43K MANOK SA LAGUNA PATAY SA HEAT STROKE

LAGUNA – Tinatayang umabot sa 43,000 manok ang namatay dahil sa heat stroke bunsod ng mainit na panahon sa isang poultry farm sa Barangay Maravilla, sa bayan ng Nagcarlan sa lalawigang ito, noong Martes.

Ayon sa namamahala sa poultry, apat na oras nawalan ng suplay ng kuryente sa lugar kung kaya huminto ang airconditioning system naging dahilan ng pagkamatay ng mga manok.

Makaraang matiyak na hindi namatay sa ano mang uri ng sakit ang mga manok ay ipinamigay ang mga ito ng may-ari sa mga residente sa lugar.

Ayon kay Brgy. Kagawad Severino Piamonte ng Barangay Maravilla, halos 52 barangay ng Nagcarlan ang nabigyan ng kinatay na manok.

Lumalabas na may inaayos na linya ng kuryente sa kalapit na bayan kung kaya naputol ang suplay ng kuryente sa bahagi ng Barangay Maravilla.

Sa panayam kay Municipal Livestock officer Joel Coronado, posibleng hindi kinaya ng blower ng aircon ang sobrang init ng panahon sa pagitan ng alas-11:00 at ala-12:00 ng tanghali kaya kinulang sa hangin ang loob ng poultry.

Inilibing naman ang natira pang mga namatay na manok na hindi naipamigay. (NILOU DEL CARMEN)

152

Related posts

Leave a Comment