Sapol kay Sotto sa paghuhugas-kamay sa made-delay na 2021 nat’l budget CAYETANO, ‘KAPAL MO!’

(NELSON S. BADILLA)

“ANG kapal!”

Ganito isinalarawan ng mismong pangulo ng Senado ang Speaker ng Kamara de Representante sa pagpapatigil nito ng talakayan ng mga kongresista tungkol sa P4.5 trilyong badyet na hinihingi ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa 2021.

Idiniin ni Senate President Vicete Sotto III “passing the blame [to the Senate]” sa pagkaantala ng deleberasyon ng Kongreso sa badyet ay hindi katanggap-tanggap.

Kumbinsido si Sotto na pagpapakita ng kakapalan ng mukha, o sobrang lakas ng loob, ni Cayetano na sisihin ang Senado matapos isuspinde ng huli ang sesyon ng Kamara kamakalawa.
“[I]t’s unacceptable!,” bigwas ni Sotto.

Malinaw na galit ang reaksyon ng pinuno ng mataas na kapulungan kay Cayetano matapos ipasa sa Senado ang sisi at ibaon ito sa posibleng pagkatigil ng pagpasa sa hinihinging badyet ni Duterte.

Ipinasuspinde ni Cayetano ang sesyon ng Kamara kamakalawa matapos maghain ng mosyon na ipasa sa ikalawang pagbasa ang badyet.

Sinadyang gawin ito ni Cayetano nang ilabas sa media ng kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na mayorya na ang bilang ng mga kongresistang handang suportahan ang pagiging speaker ng huli sa Oktubre 14.

Ang Oktubre 14 ay petsang napagkasunduan nina Cayetano at Velasco noong Setyembre 29 sa harapan ni Duterte na pagpasa ni Cayetano kay Velasco sa posisyon ng pagiging speaker ng Kamara.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, ang petsang napagkaisahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay ipapasa ng Kamara ang badyet sa pagitan ng Oktubre 12 at 14 bago ang bakasyon ng Kongreso sa Oktubre 17.

Ibig sabihin, tapos ang talakayan sa bawat komite ng Kamara at pumasa na rin ito sa ikatlo at pinal na pagbasa.

Pagkatapos ng Oktubre 14 ay ipapasa ng Kamara sa Senado ang ipinasa nitong badyet.

“They should pass it on third reading and submit to us before the original agreed date of the break (on) Oct 17 which is the legislative calendar agreed by both Houses. Oct 17 is a month away from Nov 17!,” birada ni Sotto sa mga kongresista sa pamumuno ni Cayetano.

Hindi bara-bara

Kaugnay nito, tiniyak ng mga senador na dadaan pa rin sa masusi nilang pagbusisi ang panukalang 2021 national budget kahit gipit na sila sa oras dahil sa mga kaganapan sa Kamara.

Batay sa proseso, hindi maaaring talakayin ng Senado sa plenaryo ang panukalang budget hangga’t hindi naisusumite sa kanila ang aprubadong bersyon ng Kamara.

Dahil sa maagang suspensyon ng sesyon sa Kamara, posibleng sa Nobyembre 16 o sa pagbabalik sesyon pa, maipasa ng mga kongresista sa 3rd and final reading ang panukalang budget na dapat sana ay simula na ng plenary debates sa Senado.

Ayon kay Senate Committee on Finance Chairperson Sonny Angara, may mga proseso sa Senado na hindi nila maaaring iklian kasabay ng pagtiyak na magiging transparent pa rin ang panukalang budget, anoman ang mangyari.

“There are some things in the Senate which cannot be shortened. The process of interpellations and amendments, I think sagrado ‘yan sa Senado eh kasi ‘yan ‘yung talagang mina-manifest ng senators ang mandate nila as national official and it’s a very important duty na we have to perform,” paliwanag ni Angara.

Sa panig naman ni Senador Ping Lacson, kumbinsido ito na kung sa Nobyembre pa maibibigay sa kanila ng Kamara ang panukalang pambansang pagpopondo ay magiging reenacted na ang budget sa unang bahagi ng taon.

“Kasi sa schedule na susundin nila ngayon, dahil ang pronouncement ni Speaker Alan Peter Cayetano, ang last day ng submission ng amendments, Nov. 5. So pag Nov. 5 ang last day ng submission ng amendments nila, good as reenacted na ang budget natin. There’s no way for the Senate na matapos ang budget, and even Malacanang na ma-approve ang budget before the year ends,” pahayag ni Lacson.

“One thing we can assure, hindi namin mamadaliin to sacrifice ang pag-scrutinize namin. Anyway, maski anong magic gawin namin, siguradong reenacted na ang budget, di na kaya i-approve. So why not gamitin na lang ang time talaga nang sa ganoon mapag-ralan nang husto ang budget?” dagdag pa ng senador.

Importante

Para sa Malakanyang, ang panukalang 2021 national budget ang pinaka- importanteng proposed national budget ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ito ang binigyang-diin ni Presidential spokesperson Harry Roque sa gitna na rin ng paninindigan ng Malakanyang na hindi uubrang gumamit ang gobyerno ng reenacted budget sa susunod na taon.

Ang punto ni Sec. Roque, mahalaga ang mungkahing pondo sa 2021 dahil nakapaloob dito ang magiging gastos ng gobyerno para tugunan ang nananatili pa ring problema sa COVID-19.

Hindi aniya kakayanin kung reenacted ang gagamiting pondo dahil walang nakapaloob sa budget ng pamahalaan ngayong taon tungkol sa pagtugon sa corona virus.

Sinabi pa ni Sec. Roque na 2021 proposed national budget pa lamang naglagay ng allotment ang gobyerno para COVID-19 at itinuturing aniya ito ng Pangulong Duterte bilang pinakamahalagang budget proposal sa kapwa mababa at mataas na Kapulungan.

Samantala, bukas ang Malakanyang na magpatawag ng special session ang dalawang Kapulungan ng Kongreso para masiguro na maipapasa ang 2021 national budget sa tamang oras.

Sinabi ni Sec. Roque na maaaring hilingin ni Pangulong Duterte sa Senado at Kamara na mag-convene sa isang special session matapos ang susunod na adjournment sa Disyembre, kung kinakailangan.

“Kung kinakailangang magpatawag ng special session pagdating ng December [19], Malacañang will do it,” ayon kay Sec. Roque.

Kumbinsido naman si Sec. Roque na may sapat pa ring panahon ang Senado para gawin ang deliberasyon nito sa 2021 proposed budget.

“The Senate can continue its own deliberations on the budget kasi hindi naman ‘yan nakadepende sa pagtatapos ng budget sa House,” ayon kay Sec. Roque. (May dagdag na ulat sina DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)

99

Related posts

Leave a Comment