KINUMPIRMA ni Senate President Sherwin Gatchalian na wala pang abiso mula sa kampo ni Vice President Sara Duterte kung dadalo siya sa pagbubukas ng impeachment trial, ngayong Lunes, July 6.
Sa kabila ito ng inilabas na notice ng Impeachment Court para sa personal na pagdalo ng Bise Presidente.
Nilinaw naman ni Gatchalian na alinsunod sa kanilang impeachment rules, hindi obligado ang bise presidente na dumalo sa paglilitis at maaari siyang katawanin ng kanyang representative o kanyang mga abogado.
Gayunman, sinabi ng senate leader na pinaghahandaan nila ang anomang posibilidad dahil hindi rin anya maiiwasan na magkaroon ng last minute na abiso para sa attendance ng Pangalawang Pangulo.
Aminado rin naman si Gatchalian na kung sakali mang dumalo ang Bise Presidente, hindi maiiwasan na lapitan ito ng kanyang mga kaalyadong senator-judge subalit umaasa siyang hindi ito mangyayari sa mismong trial.
Kumpiyansa rin ang Senate leader na dadalo ang mga senador sa impeachment trial dahil ito ay kasama sa kanilang mandato.
(DANG SAMSON-GARCIA)
59 