PULONG IWAS-PUSOY KINA CAYETANO AT VELASCO

WALANG kinampihan ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Deputy Speaker Paolo “Pulong” Duterte kina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco na patuloy na nagbabanggaan sa Speakership.

Sa statement ni Rep. Duterte sa viber group ng majority bloc sa Kamara, nagpahayag ito ng kalungkutan dahil nahati ang puwersa ng majority bloc sa agawan nina Cayetano at Velasco, na kapwa kaibigan aniya nito, dahil sa Speakership subalit walang sinoman sa mga ito ang kanyang kinampihan.

“As I am all for a unified House, and given the value I place in every member of Congress, I refuse to make any statement that will favor or damage either of my two good friends who are both asserting their right to be our Speaker,” pahayag ni Duterte sa viber group ng mga kongresista.

Sina Cayetano at Velasco ay pumasok sa term-sharing agreement kung saan 15 buwan manunungkulan ang Taguig-Pateros congressman habang 21 buwan naman sa kinatawan ng Lone District ng Marinduque.

“It can’t be denied that such a term-sharing agreement was made before. Because of this, Congressman Velasco has the right to assert his claim to the Speakership. However, we have also seen that a considerable number of our colleagues still support Speaker Cayetano,” ani Duterte.

Dahil walang senyales na may magbibigay daan kina Cayetano at Velasco, hindi isinasantabi ni Duterte na magkakaroon ng botohan kung sino ang mamumuno sa Kamara sa huling 21 buwan ng administrasyon.

Manifesto of support

Samantala, umiikot na ang manifesto of support kay Velasco na preparasyon sa plano ng mga ito na iluklok siya sa Speakership sa Oktubre 14, kahit nakasuspinde ang sesyon ng Kamara hanggang Nobyembre 16.

Base sa kopya ng manifesto, 10 na ang pumirma subalit hindi isiniwalat ang pangalan ng mga kongresista dahil tanging pirma ng mga ito ang nasa papel at ang mga ito umano ay mula sa hanay ng Luzon congressmen.

Magugunita na sinabi ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza na umaabot sa 154 congressmen ang supporters ni Velasco na sobra na sa kinakailangang 153 boto para mailuklok ito sa Speakship.

Habang isinusulat ito ay hindi pa isinisiwalat kung ilang congressmen na ang pumirma sa manifesto of support kay Velasco na simulan noong Miyekoles subalit patuloy umano itong pinaiikot sa mga mga miyembro ng Kamara. (BERNARD TAGUINOD)

80

Related posts

Leave a Comment