HAYAAN n’yong ipaalala ko muna sa inyo na ang pera ng pamahalaan ay “pampublikong pondo”, o “public funds” kung tawagin natin sa Ingles.
Kahit na ang perang ito ay nakalaan sa mga ahensiya ng pamahalaan, dapat sinusunod ng mga opisyal at kawani ng mga ahensiyang ito ang mga batas at alituntunin sa paggamit at paggasta sa nasabing pera dahil pampublikong pondo nga ito.
Kahit ang pondong nakalaan sa pangulo ng bansa, Senado at Kamara de Representantes ay pampublikong pondo pa rin.
Binabanggit ko ito dahil nakakadismaya nang todo at nakabubuwisit din nang todo ang balitang nabigyan ng tig-dalawang milyong piso ang mga kongresistang pumayag sa kagustuhan ni Speaker Alan Peter Cayetano na magbakasyon ang Kamara mula Oktubre 7 hanggang Nobyembre 15.
Nakarating sa media ang P2 milyong pabaon at kumalat na rin sa social media.
Ayon sa balita, ipinamigay raw ang P2 milyon sa bawat kongresistang bumoto pabor sa mosyon ni Cayetano na ipasa sa “ikalawang pagbasa” ang P4.5 trilyong badyet na hinihingi ng administrasyong Duterte.
Pumabor din ang mayorya sa mosyon ni Cayetano na isuspinde ang sesyon ng Kamara simula Oktubre 7 hanggang Nobyembre 15.
Ang balik nila ay sa Nobyembre 16 na.
Tinukoy pa sa balita na ang namigay ng tig-P2 milyon ay kongresistang kadikit ni Cayetano mula Cavite.
Syempre, walang aamin nito sa mga kongresistang kakampi ni Cayetano.
At lalong hindi itatanggi ni Cayetano na nagkabigayan nga sa Kamara ng dalawang milyong piso bilang pabaon sa kanilang pagbabakasyon.
Kung 184 ang kakampi ni Cayetano at nanindigang manatili siyang pinuno ng Kamara, P368 milyon ang kabuuang naipamahagi sa mga nasabing kongresista.
Napakasahol ng ganitong pangyayari sa Kamara.
Kinampihan, pinaboran at sinunod ang gustong mangyari ni Cayetano noong Oktubre 6, pagkatapos dalawang milyong piso agad ang ‘bayad’.
Napakasarap naman ng buhay ng mga kongresista.
Ganoon kabilis ang usapan.
Pero, kapag ang paksa ay tungkol sa tulong sa mga manggagawa, overseas Filipino workers (OFWs) manggagawang-bukid, magsasaka,
mangingisda, guro, mamahayag at iba pang batayang masa ang paksa sa Kamara at maging sa Senado ay ubod nang bagal kumilos ang mga mambabatas.
Mayroon namang masisipag na mga mambabatas, ngunit napakaliit ng kanilang bilang.
Kaya, hindi nila kayang talunin ang mga mababagal at sadyang hindi kumikilos para sa interes at kagalingan ng mamayan na pinakamarami sa Kamara.
Maliban sa mga isyung kailangang bigyan ng solusyon, sa pamamagitan ng pagpasa ng panukalang batas at resolusyon, tampok na usapin ngayon sa Kongreso ang pagpasa ng P4.5 trilyong badyet ng pamahalaan para sa 2021.
Ngunit, isinakay dito ang “kasunduang “term -sharing” nina Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco noong Hulyo 2019.
Dahil ipinipilit ni Cayetano na hanggang Nobyembre pa ito, sa halip na Oktubre 3, nakarating sila kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong
Setyembre 29 upang magkaalaman ang araw ng pagpasa ni Cayetano ng posisyong speaker kay Velasco.
Nagkasundo ang dalawa sa harapan ng pangulo na Oktubre 14.
Kaso, kinabukasan ay iba na ang mga pahayag at ginawa ni Cayetano.
Nanatili siyang speaker sa botong 184.
Hindi pa nakontento, nagpunta si Cayetano, asawa niyang si Taguig District 2 Representative Ma. Laarni Cayetano at kapatid niyang si Senadora Pia Cayetano kay Duterte upang kumbinsihin ang huli na balewalain ang napagkaisahang hanggang Oktubre 14 na lang na speaker si Cayetano.
Mula rito hanggang Oktubre 6 ay naglabasan na sa media ang impormasyong mayorya ng mga kongresista ay pauupuin na si Velasco bilang speaker.
Kaya, ipinatigil ni Cayetano ang sesyon ng Kamara nitong Oktubre 6.
Kaya, speaker pa rin siya.
Pagkatapos, lumabas ang balitang dalawang milyong piso ang binigay na baon sa mga kongresista.
Pokaragat na ‘yan!
