MGA FILIPINO NURSES SA SAUDI NA IPINAKULONG NG AMO NAGPAPASAKLOLO SA DFA

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

NAPAKARAMING liham o email akong natatangap araw-araw na kung saan ang mga OFW o mga kamag-anak ng mga OFW ay humihingi ng tulong para sa kanilang mga kapamilya na nasa ibang bansa.

Isa sa nakapukaw ng aking pansin ay ang email na ipinadala ng kapatid ng isang nurse na nasa Saudi Arabia na isa ring kawani ng ating gobyerno na tila sa kawalan na ng pag-asa, ay lumapit na sa AKOOFW. Ayon sa kanyang liham ay kabilang ang kanyang kapatid sa pitong (7) nurses na kinasuhan ng employer at kasalukuyang nakakulong sa Malaz Jail sa ­Riyadh, Saudi Arabia.

Ang kanyang tinutukoy ay si Kimberly Labrador na nagtungo sa Riyadh, Saudi Arabia sa pamamagitan ng Top Job International Manpower noong August 28, 2019. Ang kanyang Saudi Arabia recruitment agency naman ay ang All Care Medical Care.

Diumano, ang grupo ng mga nurses ay nagsumbong sa Ministry of Labor upang ireklamo ang kanilang employer na si Sultan Abdullah Ahmed Almansour na isang Saudi National dahil sa mga sumusunod na mga ­reklamo: hindi pagbibigay ng residency permit o Iqama, hindi pagbabayad ng kumpletong sweldo, hindi pagbabayad ng overtime pay, walang day-off at pagkumpiska ng kanilang mga dokumento kabilang ang kanilang pasaporte.

Ngunit tila sadyang malakas sa Ministry of Labor ang kanilang ­employer, dahil kahit na hindi pa naririnig ang panig ng ­nagrereklamong Nurses, ay ­naglabas agad ito ng desisyon na pagbalewala sa kanilang sumbong.

Ang masaklap pa ay habang ang pitong nurses ay nasa loob ng korte ng Ministry of Labor upang dumalo sa pagdinig sa kanilang reklamo, ay sa kauna-unahang pagkakataon ay nagpakita ang kanilang employer na may bitbit na kapulisan at sila ay ipinadampot sa loob mismo ng opisina sa Ministry of Labor.

Ang dahilan ng paghuli sa kanila ay batay sa sumbong at kaso na isinampa ng employer na diumano ay dahil sa pagnanakaw at pagsira ng ilan kagamitan ng kanyang klinika, bagay na mariing pinapabulaanan ng mga nurses.

Ang kakatuwa sa pa rito, ­hinihiling ng employer na magbalik na lamang sila sa kanilang trabaho upang sila ay mawalan ng kaso.

Dahil sa paninindigan at prinsipyo, ay nagdesisyon ang mga nasabing Nurses na huwag na magbalik sa kanilang employer kung kaya sila ay tuluyan ipanakulong ni Sultan Abdullah Ahmed Almansour.

Nahatulan ng 20 araw na pagkakaulong ang apat sa pitong nurses, ngunit umabot na ito ng mahigit sa isang taon simula noong Hunyo 23,2019 na pagkakakulong.

Bagaman naiparating na ang kasong ito sa ating Assistance to National Unit ng Philippine Embassy, ang AKOOFW ay nanawagan sa Department of Foreign Affairs na bigyan ng pansin ang kasong ito na isang malinaw na pang-aabuso at paglabag sa karapatan ng ating mga OFW.

Gayundin ang aking panawagan sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Philippine Overseas Labor Office (POLO) na isama sa listahan ng mga blacklisted ang nasabing employer upang hindi na muli makakuha ng tauhan sa ating bansa. Gayundin, dapat busisiin ng POEA ang maaring pananagutan ng Top Job International ­Manpower sa kakulangan ng pagbibigay proteksyon sa kapakanan at karapatan ng kanilang mga workers.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

291

Related posts

Leave a Comment