ONLINE CIVIL SERVICE EXAMS ANGKOP SA ‘NEW NORMAL’

FORWARD NOW Ni REP FIDEL NOGRALES

IKINAGAGALAK natin ang pagtugon ng Civil Service Commission sa panawagan na ­gawing online na ang government eligibility examinations.

Natutuwa tayo na kinikilala ng CSC ang pangangailangan na mag-adjust ayon sa dinidikta ng panahon. Kaisa ako ng ibang kababayan ­nating nananalig na maihabol pa natin na magkaroon ng civil service exam ngayong huling quarter ng taon.

Matatandaang una nang sinabi ni CSC Commissioner Aileen Lizada na ang kanilang tanggapan ay inatasan na magsagawa ng pag-aaral, pagsusuri, at pangangalap ng mga alternatibong paraan upang maisagawa ang mga pagsusulit.

Ang inyong lingkod ay kabilang sa mga humimok sa CSC na magsagawa ng mga exams online upang mabigyan ng pagkakataon ang mga manggagawang naapektuahan ng ­Covid-19 na mapunan ang mga bakanteng posisyon sa gobyerno.

Batay sa staffing summary ng Department of Budget at Management, mayroong 177,874 mga bakanteng posisyon sa ­gobyerno (kabilang na riyan ang civilian and military/uniformed personnel).

Pinasasalamatan natin ang suporta ni Pangulong ­Rodrigo Duterte sa kanyang pagsuporta sa mga online exams. Napakahalaga ang suporta ng Malacañang, sapagkat maaaring bigyan ng direktiba ng Pangulo ang iba pang mga ahensya na maglaan ng oras at resources upang matiyak na ang mga gaganaping pagsusulit ay gawing libre.

Hinihikayat din natin ang iba pang mga ahensya ng ­gobyerno na ilipat ang kanilang mga ­proseso sa online. Tinatawag na nang pagkakataon upang gawin natin ito. Ito ay isang bagay na dapat ay noon pa natin ginagawa subalit marami sa atin na ­itinuturing lamang ito bilang ­’optional’.

Hindi na iyan ang kaso sa mga panahong ito. Hindi natin ito maaaring pasubalian – kailangan na nating mag-online sa lalong madaling panahon.

Ang paglipat ng mga government frontline services sa online ay ­maaaring makatulong para gawing mas mahusay ang pagpapatakbo, maliban sa hindi na kinakailangan na pisikal na magtungo sa mga tanggapan.

Hanggang ngayon takot ang mga tao na lumabas. Ang takot na ito ay dapat magsilbing gabay natin patungo sa pagpapabuti ng ating mga serbisyo sa pamamagitan ng pag-alam kung alin sa ating mga operasyon ang hindi talaga kailangang gawin nang personal, at gawin ang mga kinakailangang pagbabago.

Sa huli, ang gobyerno ay dapat mamuhunan upang matiyak na mayroon itong isang fully-­working at fully-linked online ­infrastructure.

Magugunita na sinuspinde ng CSC ang una sa dalawang pen-and-paper examinations na idinadaos kada taon dahil sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine. Ang mga pagsusulit ay isang rekisitos para maitalaga o makapagtrabaho sa gobyerno.

Ang pagpapaliban nito ay nakaapekto sa mahigit 293,000 katao sa 66 na lokasyon sa buong bansa na dapat ay sasalang sa eksaminasyon noong Marso.

222

Related posts

Leave a Comment