Freddie Roach, bagong trainer ni Eumir Marcial

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

DALAWAMPU’T walong taon na ang nakararaan simula noong 1992 nang si Freddie Roach ay nagbalak magtayo ng sariling gym. Pinigilan siya ng kanyang training guru na si Eddie Futch na nagsabing mamalagi na lang siyang trainer ng boksingero sa dahilang hindi magandang negosyo ang gym.

Kung sinunod ni Roach ang kanyang maestro, ang ngayon ay tanyag na Wild Card Boxing Club sa Vine Street sa puso ng Hollywood ay hindi sana ­naging tahanan ng maraming kampeong pandaigdig sa kasalukuyan.

“I went ahead and built the gym saying to ­myself, you never know when the next Muhammad Ali is ­going to walk through that door,” wika ni Roach sa kolumnistang ito ilang taon na ang nakalilipas.

Siyam na taon ang pinaraan ni Roach para matupad ang hula niya. Noong 2001, may pumasok nga sa pinto ng katatapos pa lamang na gym at nagsabing kailangang-kailangan niya ng isang trainer.

Ang may kaliitan at putlaing batang iyon na hindi mapapagkamaliang boksingero ay ang Pilipinong si Manny Pacquiao. At sabi nga ng mga Kano: “The rest was history.”
Sa ilang mga sumunod na taon ay nakita si ­Pacquiao na naging kauna-unahan at kaisa-isang ­boksingero sa ibabaw ng lupa na nanalo ng isang dosenang kampeonatong pandaigdig sa walong dibisyon.

Samantalang si Roach ay tumanggap ng karangalang “Trainer of the Year” nang pitong sunod na taon!

Noong 2016, matapos na talunin si Timothy Bradley sa huling kabanata ng kanilang trilohiya, ipinahayag ni Manny na magreretiro na siya sa gitna ng kasiyahan ng kanyang pamilya.
Hinulaan ng marami na malamang na susunod na ang kanyang trainer na magpapahinga. Pansamantala lamang pala ang pagsasabit ni Manny ng kanyang boxing gloves. Hindi rin nagkatotoo ang tsismis na pagrerertiro ni Roach.

“No!” mariing sagot ni Roach nang tanunging muli ng reporter na ito. “Why should I do that? I would be doing nothing for the rest of my life? Boxing is my life and I will live and die in boxing.”
“Besides, remember, I told you once before, you never know when the next Manny Pacquiao is going to walk through that door,” palaala ng Hall of Fame trainer na itinuro pa ang pintuan ng kanyang makasaysayang gym.

Noong Miyerkoles lamang, ang Pilipinong amateur middleweight at Olympic qualifier Eumir Felix Marcial ay namataang pumasok sa Wild Card Gym para makiusap kay Roach na maging trainer niya.

Ang 24-anyos na si Marcial ay boluntaryong lumapit sa pamosong trainer para pamahalaan ang kanyang preparasyon para sa unang gintong medalya ng Pilipinas sa Olimpiyada at para maging pangalawa lamang na Pilipino na makoronahang middleweight champion ng mundo.

Kung magkakatotoong muli ang sapantaha ni Roach ay panahon lamang ang makapagpapatunay. Pero matapos ang apat na round ng pagsuntok sa mitts noong mismong araw na dumating si Marcial sa Wild Card gym, kung saan na-impress ng Pilipino ang kanyang magiging guru, nangangahulugang may paglalagyan nga siya sa desisyong paglipat sa Estados Unidos para doon mag-ensayo.

Matatandaang halos siyam na buwan nang humihingi si Marcial sa ABAP ng lugar para siya makapaghanda pero hanggang sa kasalukuyan ay wala pang nangyayari. Bagay na nagbunsod sa kanya na paniwalaang inabandona na siya ng kinaaanibang asosasyon.

“Freddie Roach is a boxing legend and to think I am now training with him…is a dream come true,” ani Marcial. “I felt like I was walking in Manny’s footsteps when coach Freddie toured me at the Wild Card Gym.”

Si Marcial, ang lady boxer na si Irish Magno, pole vaulter EJ Obiena at gymnast Carlos Yulo, sa kasalukuyan ang mga Pilipinong Olympic qualifier pa lamang para sa naipagpalibang Olimpiyada na gaganapin sa July 23-August 8, 2021 sa Tokyo, Japan.

182

Related posts

Leave a Comment