NAGBABALA si Senador Imee Marcos na mahihirapan ang mga Pinoy sa kanilang mga transaksyong pampinansyal kapag nagdesisyon ang Paris based-Financial Action Task Force (FATF) sa buwang ito na ideklarang hindi sapat ang ginawa ng Pilipinas para masugpo ang money laundering.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na dapat pakinggan ng mga mambabatas ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na amyendahan agad ang Anti-Money Laundering Act (AMLA), lalo na’t tatapusin na ng FATF ngayong Oktubre ang isang taong observation period nito sa pagsusuri sa Pilipinas.
“Ang mga overseas Filipino workers (OFWs), mga negosyante, at pati na rin mga lokal na bangko ang matatamaan ng mga international sanctions, kapag idineklara ng FATF ang Pilipinas bilang money laundering hotspot,” pangamba ni Marcos.
“Maaaring magdesisyon ang international banks na higpitan ang mga Pinoy at hingan ng mas maraming identity check at mga dokumento o maaaring magpatupad ng mas mataas na transaction rates sa mga remittance. Ito’y magdudulot ng mas mataas na gastos at pagkaantala ng mga money transfer,” paliwanag ni Marcos.
“Maaapektuhan nito ang gastusin sa araw-araw na pamumuhay at edukasyon ng pamilya ng mga OFWs na nasa gitna ng COVID-19 pandemic at mababawasan rin ang tiwala sa bansa ng mga investor at mga lender o nagpapautang. Maaaari ring mabawasan ang foreign currency reserve ng bansa,” dagdag pa ni Marcos.
Ayon sa FATF, kumpleto ang pagtalima ng Pilipinas o fully compliant sa walo mula sa 40 rekomendado nilang amyenda sa AMLA, habang largely compliant sa 20, partial lang sa 11, at non-compliant sa isa.
Itinutulak ni Marcos na amyendahan ang AMLA at isali ang mga rekomendasyon ng FATF sa kanyang paghain ng Senate Bill 1545, para maalis ang Pilipinas sa ‘Gray List’ ng mga bansang itinuturing na ‘high-risk” dahil sa maling paggamit ng international financial system.
Layunin ng panukala ni Marcos na mabigyan ng kapangyarihan ang Anti-Money Laundering Council na gumamit ng investigative at surveillance techniques, mag-subpoena ng mga suspek, makapagsagawa ng search operations, makakumpiska o ipitin ang mga ari-arian at hindi pwedeng pigilan ng mga korte maliban lang sa Court of Appeals o Korte Suprema.
Bukod sa pagsunod sa mga international standard sa pampinansyal na mga transaksyon, layon din ng Marcos bill na masugpo ang mga pagpipinansya sa mga teroristang grupo sa bansa sa pamamagitan ng pagsunod sa United Nations Security Council resolutions na naglilista ng mga indibidwal at mga grupo na hinihinalang terorista. (NOEL ABUEL)
159 