Solon kay MMDA Asec Pialago: TRAPIK MUNA BAGO PUMUTAK SA FACEBOOK

IMBES na idisplay ang kawalang puso sa nagdadalamhating ina na si Reina Nasino, mas mabuting asikasuhin na lamang ni Metro Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pialago ang pagresolba sa trapiko na lumalala kahit sa panahon ng pandemya.

Ito ang mensahe ni ACT party-list Rep. France Castro kay Pialago matapos nitong batikusin sa kanyang Facebook account ang mga nakikisimpatiya kay Nasino na inalisan umano ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng karapatan na magdalamhati sa namatay na anak na si Baby River.

“Siguro kay Celine Pialago, asikasuhin mo itong trapik instead na magbubusa ka ng mga hindi makataong sinasabi kay Ina,” ani Castro.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos maging viral ang komento ni Pialago sa mga nakikidalamhati kay Nasino nang agawin ng BJMP ang bangkay ng anak nito sa kanyang pamilya noong Biyernes para ilibing sa Manila North Cemetery.

“Hindi lahat ng inang nakakulong ay nakapunta sa libing ng kanyang anak. Kaya iyong mga sumisimpatiya kay Reina Mae Nasino, pag-aralan [n’yo] mabuti ang dahilan bakit siya nakulong at kilalanin ‘nyong mabuti kung sino siya sa lipunan, Masyado ninyong ginagawang pang-drama serye sa hapon ang paghihinagpis niya. Tigilan [n’yo]!,” ani Pialago.

Ipinamukha ni Castro kay Pialago na maraming mayayamang bilanggo ang pinapayagang dumalo sa kasal ng kanilang anak tulad ng mastermind ng Maguindanao massacre na si Zaldy Ampatuan subalit hindi ito pinuna ng MMDA spokesperson.

Bago ang pahayag na ito ni Castro, ay matinding batikos ang inabot ni Pialago sa social media dahil lumalabas na wala itong puso sa isang inang nagdadalamhati tulad ni Nasino.

May mga netizen din ang nagsasabi na nagpapansin lang si Pialago dahil may plano itong tumakbo bilang party-list representative sa susunod na eleksyon kaya habang nagtatrabaho sa MMDA ay panay ang endorse nito sa “Malasakit Movement”.

Kaugnay nito, kapwa dumistansiya ang Malakanyang at ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula sa kontrobersiyal na pahayag ni Pialago.

“Tingin ko po personal na opinyon niya iyan. Hindi naman po iyan related sa MMDA iyang issue na iyan. Hayaan po natin na magkaroon ng personal na opinyon si spokesperson Pialago,” ayon kay Presidential spokesman Harry Roque habang si MMDA general manager Jojo Garcia ay nagsabi ring: “Ito po’y personal na opinyon niya at hindi ng MMDA.”

Samantala, nakiisa na ang Salinlahi Alliance for Children’s Concerns sa grupong kumokondena sa kontrobersyal na pahayag ni Pialago kaugnay ng pagpanaw ni Baby River Nacino.

Sa isang statement, sinabi ng Salinhali na dapat ay mag-public apology si Pialago dahil sa insensitive nitong pahayag na ginagawa umanong “drama serye” ng mga symphatizer ang pagkamatay ng sanggol na anak ng aktibistang si Nacino. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

216

Related posts

Leave a Comment