NBCP O PD 1096 BAGUHIN NA

DAPAT mabago na ang umiiral na Presidential Decree 1096 na mas lalong kilala sa tawag na National Building Code of the Philippines o NBCP.

Mukha kasing hindi na naaangkop sa makabagong panahon ang batas na ito lalo na ngayong tinatawag na ‘new normal’. Panahon pa ni dating ­Pangulong Ferdinand Marcos ang batas hinggil sa National Building Code dahil naaprubahan ito noon pang 1977 o apatnaput tatlong taon (43) na ang nakararaan.

Pagpasok ng tinatawag na ‘computer era’ sa bansa at buong mundo, marami na ang pagbabago lalo na sa proseso ng mga kinakailangang dokumento. Kung dati-rati ay mano-mano ang ­ginagamit sa pag-proseso ng mga dokumento, ngayon ay computerized na ang ipinaiiral. Ibig lang sabihin mabilisan na ang pamamaraan.

Sa PD 1096 o NBCP partikular ang pagkuha ng building permit, sobrang dami ng requirements at daming pumipirma bago ito maapruban. Sa ganitong kalakaran dito papasok ang ­kurapsyon.

Anu-ano nga ba ang kailangan sa pagkuha ng building permit?

Base sa nakapaloob sa batas narito ang mga kinakailangang requirements para ma-isyuhan ng building permit: 5 kopya ng Building Permit Forms, 3 kopya ng electrical permit forms, 3 kopya ng sanitary permit forms, 5 ­kumpletong set ng detailed plan ng gusali, structural design analysis na pirmado ng isang civil engineer, boring at plate load test, seismic Analysis, proof of ­property, ­photocopy ng Transfer Certificate of Title o TCT, photocopy ng tax Declaration, photocopy ng current Tax Receipt, Contract of Lease, Contract of Sale, Affidavit of ­Consent of the Lot Owner, Deed of Absolute Sale, Permit Billboard, Bill of ­Materials and Specification, Locational, photocopy of PTR# and PRC license of all concerned engineers and architects, ­clearance from the DPWH, DOLE Clearance, at marami pang iba.

Haay… Sa sobrang dami nito hilo ang aabutin ng may-ari ng itatayong gusali.

Dahil dito, maghahanap siya ng mag-aayos nito, natural kaakibat niyan ay karagdagang gastos. Hahanap din siya ng kontak sa loob mismo ng ­Building Official Office na susundot naman ng kanyang requirements na ipinasok para mabilis itong ­maproseso. Ang P50k na kanyang gastusin para lang sa pagkuha pa lang ng ­building permit ay kukulangin na.

Paano ang ibang gastusin?

Kawawang lahi ni Juan ­laging napagsasamantalahan ng kapwa.

Pag minalas-malas kapa gumastos ka na, abutin pa ng tatlong buwan bago mailabas ang iyong building permit.

Nang makita ng PUNA ang dami ng mga requirements sa pagkuha ng building permit ay nalula ako.

Kaya panahon na para baguhin ang NBCP o PD 1096, kung gusto natin na umasenso na ang bansa natin. Hindi dapat tayo magpatali sa makalumang paraan, lalo na kung ito ay pinagmumulan ng kurapsyon.

Kung hindi mababago ang NBCP o PD 1096 ay ­mananatiling malala ang kurapsyon sa pagkuha ng permits at clearances.

Mananatili ring kulelat ang Pilipinas sa iba pang bansa sa Asya pagdating sa usapin ng negosyo.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

221

Related posts

Leave a Comment