KUNG sukatan ng mga nagawa ng pinuno ng isang kagawaran ang ulat ng Commission on Audit (COA), hindi paninira sa pagkatao o puri nito ang resulta ng pagsisiyasat at ebalwasyon ng naturang ahensiya.
Kung maganda naman ang resulta ng ulat ng COA, natural lamang na purihin ang hepe ng kagawaran, o ahensiya, ng pamahalaan.
Sa ganyang konteksto, masasabing palpak ang politikong si Mark Villar sa pagiging sekretaryo ng Department of Public Works and Highways (DPHW).
Si Villar ay politiko dahil ilang taon din itong naging kongresista bilang kinatawan ng Lungsod ng Las Piñas sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Katunayan, sa mababang kapulungan natagpuan ni Villar ang kanyang napangasawang si dating DIWA party-list Representative Emmeline Aglipay – Villar.
Sa panahong ito, si Emmeline ay undersecretary ng Department of Justice (DOJ) dahil inilagay siya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing posisyon noong Hulyo, 2018.
Maliban sa kasalukuyang trabaho niya, itinalaga na rin ni Secretary Menardo Guevarra si Emmeline bilang tagapagsalita ng DOJ makaraang magbitiw ang tagapagsalita ng kagawaran.
Naging pinuno ng DPWH si Mark Villar noong 2016.
Ayon sa ulat ng COA, umabot sa 1,740 ang mga proyekto ng DPWH mula 2015 hanggang 2019 ang hindi natapos sa nakatakdang petsa.
Ang perang nakalaan sa mga proyektong ito ay P66 bilyon, o eksaktong P65,988,738,735.
Napakalaking pampublikong perang ito na galing sa mamamayang Filipino.
Ang matinding kapalpakan dito ay ang mga proyektong nagsimula pa noong hindi pa si Duterte ang ating pangulo.
Kung natapos na ang Metro Manila Skyway 3 kamakailan ay dahil San Miguel Corporation (SMC) ang gumawa nito.
Ang Metro Manila Skyway 3 ay ang nakaangat na kalsadang nagdugtong sa South Luzon Expressway at North Luzon Expressway.
Paniyak binantayan at tiniyak ng boss ng SMC na si Ramon S. Ang mula nang magsimula ito noong hindi pa sekretaryo ng DPWH si Villar na maging matibay at matapos sa tudlang petsa.
Ang totoo, natapos ito bago sumapit ang takdang petsa.
Pero, masasabing hindi naman kasukdulan ang kapalpakan ni Villar dahil ang 1,740 ay bahagi ng 2,411 mga proyekto ng DPWH mula 2015 hanggang 2019 na P101.69 bilyon ang kabuuang presyo.
Kaya, kung babawasan natin ang 2,411 ng 1,740 ay 671 ang natapos na mga proyekto mula nang maging pinuno ng DPWH si Villar.
Napakalayo sa kalahati!
Pokaragat na ‘yan!
Ayos ba sa inyo ‘yan?
Natutuwa ba kayo sa pamumuno ni Villar sa DPWH?
Ayon sa ulat ng COA, kasama sa mga hindi natapos ay ang mga kalsadang gagamitin ng mga magsasaka at manggagawang-bukid upang maihatid nang mabilis ang kanilang mga palay, gulay at prutas sa pamilihang bayan.
Syempre upang kumita.
Ang pagkaantala ng farm to market roads ay regular na problema ng bansa.
Matagal ko na itong nabalitaan.
Hind pa ako journalist ay palagi kong nababasa sa mga pahayagan at napapanood sa telebisyon ang kapalpakan ng pamahalaan sa mga kalsadang kailangan ng mga magsasaka at manggagawang-bukid.
Marami ring pampapublikong paaralan ang hindi natapos, sabi ng COA.Isa pa ring malaking problema ito.
Napakatagal na ring suliranin ng Pilipinas ang kakulangan ng mga gusaling papasukan ng mga mag-aaral.
Hindi pa ako nag-aaral ay lumalabas na ang isyung ito sa mga pahayagan, telebisyon at radyo.
Kaya, kung tutuusin ay hindi na balita ang kapalpakan ng DPWH sa pagpapatayo ng mga paaralan sa kung saan-saang lungsod, bayan at lalawigan sa Pilipinas.
Ang balita ay pinasinayaan ang pagbubukas ng gusaling dalawa, o tatlo, ang silid-aralan na ang ginastos na pera ay milyun-milyon!
Pokaragat na ‘yan!
Ang nakadagdag sa nakakainis na “extremely poor performance” ng DPWH sa ilalim ng liderato ni Secretary Mark Villar ay ang nadiskubre ng COA na hindi binawi at hindi tinapos ang mga kontrata sa mga kumpanyang nakakuha ng 1,740 mga proyekto.
Kaya, pihadong ang itatanong ng mga pangkaraniwang mamamayan ay ano ang nagyari sa halos P66 bilyong perang nakalaan sa 1,740 mga proyekto.
Palagay ko, itatanong din nila kung puwedeng kasuhan si Villar at iba pang mga opisyal at mga inhinyero nila gamit ang ulat ng COA.
Walang masama sa dalawang tanong na ito, sapagkat karapatan ng bawat Filipino na magtanong at alamin kung bakit pumalpak ang sekretaryo ng DPWH, mga opisyal nito at mga inhinyero nito.
Kaparatan din nilang magsampa ng kaso bilang “taxpayer” laban sa mga nakagawa ng ‘krimen’ sa mamamayang Filipino.
198 