INABISUHAN ni Chargé d’ Affaires Charleson Hermosura mula sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) na kasama ang Pilipinas sa mga bansang bawal pa rin ang incoming flights dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.
Dahil dito, pinayuhan ni Hermosura ang mga OFW na magbabalik sa Kuwait na kinakailangang magpunta muna sila sa ibang bansa tulad ng United Arab Emirates (UAE).
Aniya, kailangan muna nilang manatili ng dalawang linggo sa UAE at magpa-swab test na ang resulta ay dapat negatibo bago sila makatuntong o makauwi ng Kuwait.
Aniya, required ang home quarantine sa Kuwait sa lahat ng galing sa ibang bansa.
Requirement din aniya na mag-download ng app na paraan ng pamahalaan ng Kuwait upang mabantayan ang mga naka-home quarantine; masiguradong sila ay hindi lumalabas ng tahanan; makumusta o maging daan para sila makahingi ng tulong sakaling magpositibo sila sa COVID-19 at maging malubha ang kanilang mga sintomas.
Binigyang-diin nito na mahigpit ang Kuwaiti government sa pagpapatupad ng batas at malaki ang multa o penalty sa mga lalabag kaya’t disiplinado ang kanilang mamamayan.
Binigyang halimbawa nito ang paglabag sa curfew dahil umaabot sa 10,000 Kuwaiti dinar o higit sa P1.6 million ang multa habang ang mahuhuling walang face mask sa mga pampublikong lugar ay pagmumultahin ng 5,000 Kuwaiti dinar o mahigit kalahating milyong piso, kulong ng hanggang tatlong buwan at kung ang lumabag ay migrant worker kasama na ang OFWs ay automatic deportation. (CHRISTIAN DALE)
248 