LIBONG motorista at pasahero ang stranded dahil kanselado ang lahat ng biyahe ng barko sa Calabarzon region partikular ang mga papuntang Mindoro, Palawan at Kabisayaan dahil sa banta ng Bagyong Quinta.
Sa ulat na nakalap ng National Disaster Risk Reduction Management Council mula sa Calabarzon Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC), kinansela ang lahat ng biyaheng pandagat sa nasabing rehiyon kasunod ng pagtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal dulot ng Bagyong Quinta.
Limang beses na nag-landfall ang bagyong Quinta. Ayon sa Pagasa, naitala ang ikalimang pag-landfall sa Pola, Oriental Mindoro dakong alas-3:30 ng madaling araw kanina.
Una itong nag-landfall sa San Miguel Island, Tabaco City, Albay alas-6:10 kagabi at sinundan ito ng alas-6:50 ng gabi sa Malinao, Albay, pangatlong beses naman sa San Andres, Quezon alas-10:30 ng gabi at pang-apat na beses kaninang ala-1:20 ng madaling araw sa Torrijos, Marinduque.
Kahapon ng umaga ay may naitalang 532 families o nasa 1,789 individuals mula sa Guinobatan, Albay at Canaman, Camarines Sur ang inilikas.
Bandang tanghali naman ay namataan ang bagyo na nasa 180 kilometers silangan bahagi ng Virac, Catanduanes at tumatahak sa bilis na 25 km per hour na may lakas na 95 kph at bugsong 115 kph, ayon sa PAGASA.
Nanalasa ito sa bahagi ng Catanduanes-Albay-Sorsogon area mula Linggo ng gabi hanggang ngayong Lunes bago tahakin ang direksyon palabas ng Pilipinas bukas, Martes.
Isinara naman ng DPWH ang bahagi ng national highway sa boundary ng Barangay Dibalio at Barangay D. Leano sa Claveria, Cagayan dahil sa peligrong dulot ng nakitang mga bitak sa kalsada roon.
Patuloy din ang clearing operation para mabuksan ang mga kalsada sa Claveria na natabunan ng serye ng landslide sa nakalipas na mga araw. (JESSE KABEL)
180
