INAMIN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroong “sindikato” na gumagamit sa pangalan ng kagawaran upang magkapera.
Dahil dito, nanawagan ang tagapagsalita ng DILG na si Undersecretary Jonathan Malaya sa local government units (LGUs) na huwag magpabiktima sa sindikato ng “extortionists and con-men”.
Ani Malaya, ayuda para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), o “emergency relief” ang intrumento ng sindikato upang makahingi ng libo-libong salapi sa kanilang mga kinikikilan.
“Pinapayuhan po natin ang LGUs at ang publiko na mag-ingat sa mga walanghiyang mandurugas na sindikato na nagpapakilalang taga-DILG at nangingikil ng pera kapalit ng umano’y ayuda,” saad ni Malaya.
Aniya, maging ang kanyang pangalan ay ginamit ng sindikato upang makakuha ng pera sa mga alkalde, bise-alkalde at punong barangay.
“Halos pare-pareho ang istilo ng sindikatong ito. Tatawag at magpakilalang taga-DILG, magbibigay kunwari ng tulong na bigas, o iba pang suporta ngayong COVID-19, at sa huli ay manghihingi ng pera para sa transportasyon at iba pang gastusin,” bulalas ni Malaya.
“Kung sinuman sa inyo ang makatanggap ng tawag [at] texts [messages mula] sa mga taong nagpakilalang ako, o sinuman sa mga DILG top officials, magsumbong, o makipag-ugnayan, po kayo kaagad sa pinakamalapit na police station para mahuli at maparusahan ang mga impostor na ito,” susog ng opisyal.
Sinabi rin ni Malaya na ipinarating na ng DILG ang gawaing kriminal sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) upang kagyat na matapos ang kabuktuan ng nasabing sindikato. (NELSON S. BADILLA)
178
