KASABAY ng paghahanda ng bansa sa paghagupit ng bagyong Rolly, muling iginiit ni Senador Christopher Bong Go ang pangangailangan na magkaroon na ng Department of Disaster Resilience (DDR) ang Pilipinas.
Paliwanag ni Go, ito ay upang mas masiguro ang quick response at proactive holistic approach sa paghahanda sa mga kalamidad at natural disasters.
Sinabi ni Go na maraming Pilipino ang nasalanta ng mga bagyo, flashflood at iba pang sakuna tulad ng bagyong Quinta na kumitil sa buhay ng 22 katao, naghahanda naman ang pamahalaan sa pinangangambahang paghagupit ng bagyong Rolly na sinasabing pinakamalakas na bagyo ngayong taon.
Aniya, taun-taon naman ay nakararanas ng tinatayang dalawampung bagyo ang bansa na nagdadala ng mga baha at landslides.
Kaugnay nito, iginiit ni Go na mas matutulungan ng pamahalaan ang sambayanan kung mayroong klarong mekanismo upang ihanda ang mga komunidad.
Inihayag nito na sa ilalim ng bagong kagawaran, mas mabilis ang magiging pagtugon ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng lahat ng related agencies sa iisang tanggapan.
Matatandaang una nang inihayag ni Go na mas magandang secretary-level na may boses sa gabinete ng pangulo ang hahawak sa pagtugon sa mga kalamidad.
Kampante rin si Go na magiging mas mabilis ang pagbangon ng mga masasalanta ng bagyo at iba pang kalamidad pagkatapos ng sakuna dahil kasama sa tututukan ng DDR ang paghahanda, pagtugon at recovery.
Iginiit din ni Senador na dapat handang sumubsob sa trabaho ang itatalagang pinuno ng isinusulong na DDR.
Sinabi ng senador na dapat ay handang sumabak sa trabaho at magmalasakit sa kapwa tao ang uupong kalihim ng departamento. (NOEL ABUEL)
