MARAMI ang nag-react nang lumabas ang isyu sa pagbili ng maraming sasakyan ng Department of Education (DepEd) partikular mula sa grupo ng mga guro.
Ang reaksyon ay nagmula mismo sa Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Batay sa nakalagay sa memo, kailangan daw bumili ng DepEd ng 254 units ng Mitsubishi Strada 4×4, at ang 88 ay naipamahagi na noon pang Disyembre 5, 2019.
Sa nakuhang impormasyon ng PUNA, 166 Mitsubishi Strada ang binili ng DepEd mula sa Mitsubishi Carworld Pampanga para may magamit ang kanilang mga field engineers.
Kasama rin sa binili ng DepEd ang 188 units na passenger van (Hiace) na para naman sa DepEd Directors sa mga probinsiya.
Ang selling retail price raw ng bawat unit ng Strada ay 1.465 milyong piso. Ang nakalaan sa nasabing pagbili ng mga sasakyan ay may kabuuang 526.8 milyong piso.
Sabi ni ACT Secretary General Raymond Basilio sa halip na unahin ng DepEd ang pagbili ng mga sasakyan ay binigyan muna sana ng pansin ang pagbili ng mga mahahalagang bagay na kailangan ngayong distance learning sa ilalim na ‘new normal’.
Partikular na binanggit ni Basilio ay ang pagbili ng bond paper, ink, devices at internet connectivity. Isama na riyan ang mga pasilidad sa junior at senior high school.
Hanggang ngayon ay marami pa ring mga mag-aaral ang naka-enroll sa mga pribadong eskuwelahan mula sa mga junior at senior high school dahil sa kawalan ng tamang pasilidad sa mga pampubliko paaralan.
Kaya tuloy tinawag na ‘dolomite scam’ ang nasabing pagbili ng mga sasakyan ng DepEd.
Ayon naman kay Spokesperson Harry Roque wala naman daw masama sa pagbili ng mga sasakyan ng DepEd dahil magagamit naman ito ng kagawaran sa pagseserbisyo sa kanilang mga nasasakupan.
Bago pa raw manalasa ang Covid-19 sa bansa ay nakaplano na raw talaga ang pagbili ng DepEd ng mga nasabing sasakyan at may nakalaan na itong pondo.
Hindi po natin maiwasan na maglabas ng kanilang PUNA ang mga guro sa nasabing pagbili ng maraming mga sasakyan sa kanilang departamento dahil sila ang mga nasa ibaba na nakakaranas ng kahirapan ngayong distance learning na ipinatutupad ng DepEd.
Marami kasi tayong nababasa sa social media na maraming hinaing ang mga guro na wala silang pambili ng mga bond paper, ink at iba pang gagamitin nila sa distance learning.
Tapos bigla na lang nila malalaman na may malaking pera pala ang DepEd na pinambili ng mga mamamahaling sasakyan.
Tumatawid ng mga ilog, naglalakad ng malalayong lugar, ikanga nila buwis buhay sila para lang marating nila at maihatid ang modules para sa kanilang mga mag-aaral tapos malalaman nilang may mga biniling sasakyan ang DepEd.
Kaya masama ang loob ng ilang mga guro na naghihirap sa field na kulang ang suportang natatanggap mula sa kanilang departamento. Lalo na nung sinabi na ang mga sasakyan na binili ay para sa engineers at directors ng DepEd.
Kung para sa engineers at directors nakalaan ang mga sasakyang ito, ibig bang sabihin nito ay hindi maaaring gamitin ito ng mga ordinaryong empleyado ng DepEd?
Sabi tuloy ng iba, ‘wrong timing’ ang ginawang pagbili ng maraming sasakyan ng DepEd ngayong nasa gitna ng krisis ang bansa sa Covid-19. Sa ganang atin, kung anong makabubuti sa nakararaming mamamayan ay dun tayo.
Paalala lang po ng PUNA, ang pondo ng DepEd ay galing sa buwis ng taumbayan kaya dapat nagagamit ito sa tama.
Maraming suliranin ang DepEd na dapat nilang unahin tulad ng problema sa mga pasilidad ng junior at senior school na hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba.
Ang isyu ng mga nagpapakamatay na mag-aaral dahil sa kanilang kinakaharap na problema ng kani-kanilang pamilya dahil sa Covid-19 na sinabayan pa ng pangangailangan para sa distance learning.
Kaya dapat balansihin ng maayos ng DepEd kung anong dapat nilang unahin.
oOo
Para sa suhestiyon at reklamo mag-email sa joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
