GALVEZ ITINALAGANG VACCINE CZAR

ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si National Task Force (NTF) on COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. bilang vaccine czar ng bansa.

Si Pangulong Duterte mismo ang nag-anunsyo sa idinaos na televised meeting kasama ang key officials ng pamahalaan.

“Pagbili ng bakuna, the negotiation, manufacture, production, or distribution, binigay ko ‘yan kay Secretary Galvez. So only Secretary Galvez is authorized to negotiate or whatever. Isa lang,” ayon kay Pangulong Duterte.

Binigyang-diin ng Chief Executive na nais niya ang ‘single line of authority’ pagdating sa pagbili ng inaasahang bakuna laban sa COVID-19.

“Ayaw ko ‘yang committee, committee. Matagal ‘yan. I have great faith in Charlie to really come up with the solutions for the problem,” dagdag na pahayag nito.

Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Presidential spokesperson Harry Roque ang pagkakatalaga kay Galvez bilang vaccine czar.

Sa ulat, iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa Malacañang na magtalaga ng vaccine czar na titiyak sa access sa COVID-19 vaccine ng tinatayang 110 million Pilipino oras na ito ay mailabas sa merkado.

Ayon kay Recto, reresolbahin ng vaccine czar ang mga hamon sa importation hanggang sa injection.

Batid kasi ng senador na marami nang mayayamang bansa na pumopondo sa development ng vaccine ang unang makakukuha ng suplay.

Pwede rin anya simulan ng vaccine czar ang pag-set up ng “supply-to-syringe cold chain” na may freezing temperatures para may mapaglagyan ang mga bakuna.

Matatandaan na sinabi ng Malacañang na maaring magkaroon ng logistical challenge ang bansa sa distribusyon ng COVID-19 vaccine doses sa mga Pilipino oras na ito ay maging available. (CHRISTIAN DALE)

144

Related posts

Leave a Comment