INATASAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na iprayoridad ang mahihirap na Pilipino sa ipamamahaging bakuna laban sa COVID-19 sa oras na maging available na ito.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang public address, Huwebes ng gabi na ang mahihirap na benepisaryo ng cash subsidy program ay kailangan na “first in line” sa immunization drive.
Ang katuwiran ng Pangulo ay kaya namang gumastos ng mayayaman para makabili ng sarili nilang bakuna.
Sinabi ng Pangulo kay Galvez na ang COVID-19 immunization program ay kailangan na maging patas sa lahat, mayaman man o mahirap.
“Well, those who – those who can afford, wala naman tayong pakialam diyan,” ayon sa Pangulo.
“But sundin lang natin ‘yung listahan sa mahihirap as listed doon sa we gave – the ones that we gave to – to them, salaries or money. Iyon ‘yon talaga rin ang mauna, in that order. Pinakamahirap muna,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Kaugnay nito, iprinisinta naman ni Galvez kay Pangulong Duterte ang “Philippine National Vaccine Roadmap” sa idinaos na meeting kasama ang Cabinet members sa Malago Clubhouse sa loob ng Malacañang Park.
“This is in compliance with your order that every Filipino should be vaccinated and it should be equitable to the people, rich or poor,” ang pahayag ni Galvez sa pangulo.
“This is your directive that the vaccine will be our road to normalcy and we will only have a full recovery with the vaccine,” aniya pa.
Ayon pa rin kay Galvez, ang vaccination roadmap ay magiging time-based and objective-based.
“We will raise some different options and decision points that the President and the IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases) may decide in the near future,” ayon kay Galvez.
Bago ito, sinabi ni Pangulong Duterte na tanging si Galvez ang awtorisadong opisyal para makipagnegosasyon sa vaccine supply ng bansa.
Nais din ng pangulo na dumaan ang pagbili ng bakuna sa ilalim ng government-to-government arrangement. (CHRISTIAN DALE)
