PATAY ang isang 43-anyos na trike driver makaraang barilin sa ulo sa Tondo, Manila nitong Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang si Roland Abelido y Lapid habang natimbog naman sa follow-up operation ang umano’y nagsilbing look-out sa insidente na si Jericho Cerdena y Baguinan, 24-anyos.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang pagtugis sa gunman na si alyas “Kiko Monyo”.
Batay sa ulat ni Det. Charles John Duran ng Manila Police District- Homicide Section, bandang alas-12:31 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa panulukan ng Dandan at San Sebastian streets sa Tondo.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, habang minamaneho ng biktima ang kanyang tricycle nang barilin sa ulo ng suspek.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga suspek ngunit natimbog si Cerdena na nagsilbing back-up at look-out sa krimen, sa isinagawang follow-up operation ng MPD-Station 1.
Hinihinala ng mga awtoridad na may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen. (RENE CRISOSTOMO)
142
