SIMBANG GABI TULOY SA MAYNILA

HINDI na mapipigilan ang tradisyon ng mga Katoliko na “Simbang Gabi” makaraang ianunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na matutuloy ito para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan sa lungsod ng Maynila.

Ayon sa alkalde, isasagawa ang Simbang Gabi sa Kartilya ng Katipunan tuwing alas-8:00 ng gabi simula sa Disyembre 15 sa pamamagitan ng Simbahan ng Quiapo.

Hinikayat ng alkalde ang lahat ng mga empleyado ng Manila City Hall na dumalo sa banal na misa.

Sinabi pa nito na isa lamang ang Simbang Gabi sa mga selebrasyon na isasagawa para Kapaskuhan para mabigyan pa rin ng kasiyahan ang publiko.

“Let the City of Manila be the beacon of hope during this season,” ayon sa alkalde. “We will not be stopped by this pandemic.”

Nabatid na ilulunsad din ang ‘Paskuhan sa Maynila’ na isang buwang bazaar upang tulungan ang mga negosyante at upang mabigyan ng trabaho ang mga Manilenyo.

Gayundin, magsasagawa ng coffee festival na tatawaging ‘Kape’t Luntian,’ ang Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) sa Bonifacio Shrine Garden.

Samantala, patuloy na inihahanda ng lokal na pamahalaan ang Christmas food packages para sa 650,000 pamilya sa Maynila at gift packs para sa mga senior citizen.

Umaasa ang alkalde na sa inisyatibo ng lokal na pamahalaan ay magiging inspirado ang Manilenyo sa pagsalubong sa taong 2021. (RENE CRISOSTOMO)

143

Related posts

Leave a Comment