QUEZON – Napalaban nang todo ang mga tauhan ng Philippine Army 2nd Infantry Division na nagsasagawa ng rescue and humanitarian mission nang masabat ang isang grupo ng communist New People’s Army sa bayan ng Macalelon sa lalawigang ito, nitong Huwebes.
Ayon kay B/Gen. Norwyn Romeo Tolentino, commander ng 201st Infantry Brigade, reresponde sana ang 85 Infantry Battalion sa kanilang mga kasamahang sundalo na nagsasagawa ng Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) nang masabat ang 20 kasapi ng NPA sa ilalim ng Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC)’s Platoon Sol at Japson, na pinamumunuan ni alyas “Mitch” na nagbabalak na mangikil sa mga residente ng Brgy. Lahing ng nasabing bayan.
Tumagal ng halos isang oras ang sagupaan na nagresulta sa pagkakasamsam ng improvised explosive device (IED), apat na magazines, isang bandolier, at iba’t ibang enemy war paraphernalia na inabandona sa pagtakas ng mga rebelde.
“There is no casualty recorded on the part of the security forces, while the casualty count among the NPAs is being validated by the troops who are still conducting pursuit operations,” ani Gen. Tolentino.
Nang makarating kay M/Gen. Greg Almerol ang encounter report ay ipinag-utos nitong huwag tantanan ang pagtugis sa tumakas na mga NPA kasabay ng tagubilin sa mga sundalo na laging maging alerto dahil sinasamantala ng mga NPA na abala ang Philippine Army sa kanilang humanitarian activities.
“No words will ever be enough to express our disgust over the NPA’s unacceptable act in threatening the communities and endangering their lives instead of joining the government’s cause in helping the people amid the devastation brought about by Typhoon Ulysses,” ani M/Gen. Almerol.
Ayon kay Lt. Col. Jayral Ternio, tagapagsalita ng 2nd ID, sa kasalukuyan ay 702 sundalo at 91 military trucks sa buong Southern Tagalog ang naka-high alert para sa HADR mission sa mga lugar na lubhang napinsala ng Bagyong Ulysses, partikular sa bayan ng Rodriguez at Tanay. (JESSE KABEL)
410 