NEGOSYANTE ITINUMBA SA HARAP NG KAPITBAHAY

PATAY ang isang 46-anyos na negosyante matapos pagbabarilin ng hindi kilalang gunman habang nakikipag-usap sa kanyang kapitbahay sa Navotas City nitong Sabado ng umaga.

Ayon kay Navotas Police chief, P/Col. Rolando Balasabas, ang biktimang si Gualberto Arizala, Jr. ng Blk. 38, Lot 10, Phase 2, Area 4, Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS) Dagat-dagatan, ay hindi umabot nang buhay sa Tondo Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.

Nabatid sa imbestigasyon ni P/Cpl. Florencio Nalus, dakong alas-6:00 ng umaga, kausap ng biktima ang kanyang kapitbahay na si Rolando Garcia, 53, tricycle driver, sa Blk. 38, Martiniko basketball court, Brgy. NBBS Dagat-dagatan, nang dumating ang suspek at Pinagbabaril si Arizala sa harap ng kausap nito.

Matapos ang pamamaril, sumakay ang suspek sa motorsiklo na minamaneho ng kanyang kasabwat at humarurot patakas patungong Malabon City area.

Dinala naman ng kanyang kaanak ang biktima sa naturang pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival. (FRANCIS SORIANO)

192

Related posts

Leave a Comment