ITINODO ng government forces ang nalalabi nilang puwersa na maaaring ideploy sa hilagang bahagi ng Luzon kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na gamitin ang lahat ng available assets ng gobyerno para saklolohan ang libo-libong residente na nabulaga sa nangyaring flash flooding at landslide sa mga lalawigan.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 67 bayan at siyudad na sakop ng Region 2 ang nakaranas ng malawakang pagbaha bukod pa sa serye ng mga landslide na kumitil ng 16 katao habang 20 ang iniulat na nawawala.
Sa lakas ng ulan dala ng Bagyong Ulysses, gumuho ang bahagi ng Sitio Tueg sa Brgy. Bitag Grande sa Baggao, Cagayan noong madaling-araw ng Biyernes.
Tinatayang nasa 19 naman ang namatay sa mga landslide sa Cagayan, Ifugao at Nueva Vizcaya bunsod ng Bagyong Ulysses.
Ayon sa inisyal na datos ng NDRRMC, daang libong pamilya ang naapektuhan at kinailangang i-rescue nang biglang lumubog sa baha ang Cagayan Valley, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino Province na isinisi sa pagpapakawala ng tubig mula sa dam.
Dahil dito, kinailangan mag-deploy pa ng dagdag na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection kasabay ng pakikipag-ugnayan sa local government units para marekober at ma-retrieved ang 20 katao na naiulat na nawawala dahil sa bagyong Ulysses.
Bukod pa ito sa malawakang search rescue and retrieval operations sa mga bayan na isolated dahil sa malawakang pagbaha at serye ng landslides.
Tiniyak nina AFP chief of staff Gen. Gilbert Gapay at PNP Chief Gen. Debold Sinas, hindi lulubayan ng kanilang search and rescue teams ang paghahanap sa nawawalang mga indibidwal at iligtas ang mga taong nakitang mga nasa bubungan ng bahay.
Ayon kay AFP chief Gapay, bukod sa mga naka-deploy na SRR teams, minobilized na rin nila ang kanilang land, air and water assets at kung kinakailangan pa itong dagdagan ay mayroon pang naka-standby.
Ito ay sa likod ng ulat na lubhang pagod na ang mga sundalo sa walang humpay na humanitarian assistance and disaster response operation bago pa manalasa ang Bagyong Ulysses sa Pilipinas.
Pinadala ng Philippine Air Force ang kanilang C-130 cargo plane upang maghatid din ng mga rescue teams at mga pangunahing tulong.
Bukod sa naunang 5 teams ng Philippine Coast Guard na binubuo ng 35 personnel na naka-deploy sa Tuguegarao City, Cagayan at Tumauini, Isabel, ay nagdeploy rin si Coast Guard Commandant George Ursabia Jr. ng karagdagang M35 truck, PCG Hi-lux pick-up, at 3 pang rubber boats.
Nagsagawa rin ang Coast Guard helicopter ng aerial assessment and rescue operations sa Tugegarao at Cagayan.
“The Philippine Coast Guard (PCG) continues massive rescue operations in Isabela, Tuguegarao, and Cagayan after floodwaters submerged residential areas after the onslaught of Typhoon,” ani Vice Adm. Ursabia
Nasa Cagayan na rin nitong Sabado ang Philippine Coast Guard Aviation Force’s Islander Plane upang magsagawa ng rescue and aerial extraction efforts sa Cagayan at Isabela.
Noong Biyernes ng gabi, nagbigay ng direktiba si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa Philippine Coast Guard na agarang mag-deploy ng lahat ng kinakailangang equipment, sasakyan at mga tauhan upang makatulong sa search and rescue operations sa lalawigan ng Isabela at Cagayan.
Ilang sandali matapos lumipad pa-Norte ang CGH-1451, idineploy na rin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ikalawang airbus light twin engine helicopter na may tail number na CGH-1452, papuntang Isabela at Cagayan nitong Sabado ng umaga, Nobyembre 14.
Matapos ang flood damage assessment na isinagawa ng BN Islander Plane, agad na magsisimula ang aerial rescue/extraction ng CGH-1451 at CGH-1452. (JESSE KABEL)
226 