PAGTULONG SA TUGUEGARAO, CAGAYAN, ISABELA PATULOY – MALAKANYANG

PATULOY ang pamahalaan sa rescue operations nito sa Tuguegarao, Cagayan Valley at Isabela matapos manalasa at bayuhin ng bagyong Ulysses.

Sa katunayan, ang Department of Transportation (DOTr), sa pamamagitan ng Philippine Coast Guard (PCG), ay nagtatrabaho “round-the-clock”, at nakapagligtas ng 15 indibidwal sa Modelro, Sitio Pantalan, at Pantabangan sa Tumauini, Isabela; 50 indibidwal naman sa Barangay 12, Tuguegarao City; 47 indibidwal sa Pengue Ruyu, Tuguegarao City; 13 katao sa Caritan Norte, Diversion Road, at Anufuan West, Tuguegarao City; habang 70 indibidwal sa Linao East, Tuguegarao City.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na alas-3:30 ng madaling-araw ng Sabado, nag-deploy na ang PCG ng first convoy pandagdag sa puwersa at kabilang dito ang 10 rescue personnel, isang multipurpose vehicle, isang truck, at several newly-procured rubber boats.

Ang deployable response groups (DRGs) ay kinabibilangan ng 60 rescue at medical personnel, dalawang buses, isang 12-wheeler boom truck, dalawang M-35 truck, at may kabuuang pitong drivers.

May dala rin itong dalawang rubber boats at tatlong generator sets, at maging 44 drums ng langis para sa rescue assets at sasakyan.

Ayon pa kay Sec. Roque, ang Coast Guard islander plane ay kasalukuyan nang nasa lugar para magsagawa ng aerial rescue operations.

Idagdag dito, dalawang deployable response groups (DRGs) mula sa PCG Station sa Ilocos Norte na mayroong rubber boats ang papunta na ngayon sa Tuguegarao City via Pagudpud Highway.

Sa kabilang dako, ang Armed Forces of the Philippines, partikular na ang Northern Luzon Command (NOLCOM) ay pinalitan na ang ginagawa nitong counter-insurgency at ginawang Search; Rescue; Retrieval; at Relief operations sa CAR at Region 2.

Dalawang Water Search-and-Rescue (WASAR) Teams mula Tactical Operations Group (TOG) 2, Philippine Air Force (PAF) ang nasa ikatlong araw na ng kanilang operasyon sa Ilagan City, Isabela, habang tatlo namang Search, Rescue, and Retrieval Teams ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 10 na may dalawang rubber boats at tatlong truck ang kasalukuyang nasa Brgy. Bacolod, Alcala, Cagayan.

Idagdag pa rito ang dalawang Hueys na ipinadala ng NOLCOM mula Clark papuntang Cauayan, Isabela para sa operasyon sa Cagayan, partikular sa Tuguegarao, para sa Rescue and Relief delivery operations sa komunidad na sinasabing isolated dahil hindi madaanan ang kalsada.

Sinabi ni Sec. Roque na namahagi rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) regional offices ng relief assistance sa mga apektadong residente ng Cagayan Valley at Isabela.

“Indeed, this is a challenging time for every Filipino. Together, we ask everyone to unite, help one another, and show kindness to our fellowmen,” ayon kay Sec. Roque.

Kaugnay nito, nagtrending sa social media ang #CagayanNeedsHelp.

Maraming netizens ang nagsabi na parang hindi napapansin ng national government ang nasabing lalawigan. (CHRISTIAN DALE)

262

Related posts

Leave a Comment