ITINUTULAK ng isang mambabatas sa Kamara ang imbestigasyon kaugnay sa mahigit isang bilyon pisong halaga ng shabu na nadiskubre sa isang warehouse sa Malabon City noong 2019.
Inilarawan ni House committee on dangerous drugs chairman Robert Ace Barbers na hindi maayos ang pagkakasulat o ang ‘script’ ng mga tauhan ng ahensya ng pamahalaan gaya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaya kinakailangang busisiin ito.
Nabatid na pinaiimbestigahan na ni House committee on appropriations chairman at ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap ang natuklasang P1.1 billion halaga ng shabu na ipina-bidding noong nakaraang taon.
Para kay Barbers, hindi katanggap-tanggap na hindi natuklasan ng PDEA at Bureau of Customs na ang 20-footer shipping container na unang idineklarang naglalaman ng tapioca starch o sago ay shabu ang laman na isinilid sa mga aluminum pallets.
Isinagawa ang inspeksyon sa shipment noong Marso 5, 2019 matapos itong abandonahin ng importer noong Abril 22, 2019 at ipina-auction ito kung saan nanalo sa bidding ang Goldwin Commercial Warehouse na nakabase sa Brgy. Santolan, Malabon City.
Pero pagdating sa bodega ng nasabing kumpanya, napansin ng mga tauhan nito ang puting pulbos na nalalaglag sa mga aluminum pallets kaya ini-report nila ito sa BOC at nang muling suriin ay nagpositibo ito sa shabu.
Subalit magkakaiba umano ang mga ulat na inilabas sa media kaugnay sa nasabing kargamento na nais ngayong linawin ng mga mambabatas.
Sinabi pa ni Barbers na noong Setyembre ay ipinatawag ng Task Force Against Illegal Drugs (TFAID) ng National Bureau of Investigation ang PDEA agent na sumuri sa shipment.
“In October 15, 2020, verification with the District Tactical Operation Center – Northern Police District revealed that the PDEA made no coordination to conduct ‘controlled delivery’ in May last year to the Goldwin Warehouse in Malabon City,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
