KUMBINSIDO si Senador Imee Marcos na deka-dekadang kapabayaan sa mga dam at iba pang mga imprastraktura sa tubig ang dahilan para madale ng mga flash flood ang Cagayan at Isabela.
“Ibinalik lang ng bagyong Ulysses ang karanasan ng Ondoy. May natutunan naman ang ating gobyerno na paghahanda nang mas maaga pero kinulang pagdating sa lawak ng sakuna,” giit ni Marcos.
“Ang 38 taon nang Magat Dam at iba pang mga lumang dam ay deka-dekada nang hindi na-upgrade o nagkaroon ng improvement, nakalbo na rin ang mga watershed sa paligid nito at posibleng bumigay ang Magat kung ‘di agad pinakawalan ng tubig,” ani Marcos.
“Magpapabalik-balik lang ang mga kalamidad, pagpa-panic at pagdurusa maliban na lang kung ipapaayos o iimprove ang mga water infrastructure sa bansa,” diin ni Marcos.
Dahil dito, maghahain si Marcos, chairman ng Senate Commitee on Economic Affairs, ng panukalang i-improve ang water facilities at resources sa bansa at balasahin ang pamunuan nito sa gitna ng mga hamon sa paglobo ng populasyon at climate change.
“Panahon na para magkaroon ng Department of Water Management, o kahit anong kahalintulad nito na may seryosong mandato, na mangunguna sa pagsasama ng mahigit 30 national bodies na halos magkakapareho lang mula DENR, DAR, DPWH, MWSS, NWB, at iba pa, di pa kasama dyan ang napakaraming local water boards,” pagtatapos ni Marcos. (ESTONG REYES)
