Sa Cagayan at Isabela BLACK SAND MINING SINISI SA MASSIVE FLOODING

ISINISI ng isang peasant group sa talamak na black sand mining na isa sa mga dahilan kaya dinanas ang “worst flood” sa Cagayan at Isabela sa pananalasa ng bagyong Ulysses.

Ayon sa grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas(KMP) bukod sa black sand mining, talamak din ang illegal at legal logging sa lalawigan kaya hindi na nakapagtataka na ngayon ay nararanasan ang epekto nito.

Wala umanong dapat sisihin sa paglubog ng Cagayan at Isabela kundi ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagbibigay permit sa ganitong operasyon na may pag-apruba rin mula sa lokal na pamahalaan kapalit ng malaking kita.

Sinabi ni KMP President Danilo Ramos na matagal nang ipinanawagan ng mga mangingisda ang dredging sa Cagayan River subalit hindi ito binibigyang pansin at ngayong nagkaroon na ng pagbaha saka nakita ang kahalagahan nito at ipinag-utos ng DENR ang dredging sa may 30km ilog.

Hiniling ng grupo na kasabay ng gagawing dredging ay magkaroon ng batas para sa tuluyang pagbabawal ng black sand mining gayundin ang legal logging.

Ang black sand mining ay itinuturing na legal basta maisyuhan ng permit, wala pang batas na ipinagbabawal ito at tanging limitasyon nito sa Mining Act ay hindi dapat gawin ang dredging sa mga reservoir at protective areas subalit dahil sa epekto nito sa kalikasan ay naghigpit ang Mines and Geosciences Bureau sa pag-iisyu ng permit simula pa noong 2014 na nagresulta naman sa pag-usbong ng illegal black sand mining.

Inamin ni Ramos na bagamat naghigpit sa black sand mining ay marami pa rin silang nakikitang mga Chinese vessel na nagsasagawa nito at ikinukubli ang ilegal na operasyon sa dredging.

Ibinunyag pa nito na mismong mga kawani pa ng LGUs ang kanilang nakikitang nagbabantay sa mga Chinese vessel.

Sa mga nakalipas na taon ay nakapagsagawa ang Kamara at Senado ng imbestigasyon ukol sa black sand mining sa Cagayan subalit walang naparusahan dito, kaya naman apela ni Ramos sa liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco na isama sa kanilang ginagawang House Inquiry sa dahilan ng massive flooding na naranasan sa Bagyong Ulysses ang usapin ng illegal logging, lllegal mining at black sand mining.

Giit ng KMP, kung hindi isasama ang na mining at logging sa imbestigasyon ng Kamara ay mababalewala lamang at lalabas na moro-moro ang House Inquiry nito dahil hindi mareresolba ang ugat ng problema sa Cagayan.

“Comprehensive investigation ang dapat na gawin ng Kamara, dapat matapang nilang silipin ang mga nasa likod ng illegal logging at black sand mining na siyang talamak sa Cagayan, dahil ito ang siyang problema at dahilan ng paglubog ng lalawigan,” pagtatapos pa ni Ramos. (TJ DELOS REYES)

174

Related posts

Leave a Comment