INIHAYAG ni Senador Grace Poe na inaprubahan ng Senado sa plenaryo ang P109.88 bilyong badyet ng Department of Transportation (DOTr) kabilang ang ilang attached agencies nito na mas mababa sa hinihinging P145.36 bilyon ng executive department, maliban sa pondo ng Land Transportation Office (LTO).
Sa pahayag, sinabi ni Poe na binawasan ng Senado ang “taba” at sinuri nang mabuti ang kakayahan ng DOTr na gamitin ang naturang pondo.
“Historically, the DOTr has not been able to use up its budget. Even with the cut, the 2021 budget is still record-high and it’s a phenomenal increase from last year’s,” ayon kay Poe na nag-isponsor ng DOTr budget.
Base sa inaprubahang badyet ng mababang kapulungan o ang General Appropriations Bill (GAB), umabot sa P125.36 bilyon ang badyet na mas mababa rin sa hinihingi ng executive department.
Nagpahayag ng pag-aalala ang ilang senador sa badyet ng LTO na nasa ilalim ng Office of the Secretary na umabot sa P91 milyon. Isa sa isyung lumutang ang naantalang pagpapalabas ng license plates.
Aprubado naman ang badyet ng ibang ahensiya na nasa ilalim ng DOTr kabilang ang Civil Aeronautics Board (CAB) na may P203 million; Maritime Industry Authority na may P765 million; ang Office of Transportation Cooperatives sa P36 million; Office for Transportation Security sa P338 million; at sa Philippine Coast Guard na may P13 billion.
DEPT OF WATER
Sa kabilang dako, isa pang ahensya ang nakatakdang itatag matapos aprubahan na sa House committee on appropriaton ang budget ng Department of Water Resources (DWR) na isa sa priority bills ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagdinig ng nasabing komite na pinamumunuan ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap, walang tumutol nang isalang sa botohan na paglaanan ng budget ang bagong ahensya na itatatag para pangasiwaan ang usapin ng tubig sa buong bansa.
Noong Nobyembre 2019 ay inaprubahan ng House committee on peoples participation at committee on public works ang 36 panukalang batas para itatag ang DWR para isang ahensya na lamang ang mangangasiwa sa lahat ng usapin sa tubig.
Layon ng nasabing panukala na tiyakin na sapat ang supply ng tubig sa lahat ng tao sa bansa at maging ang mga agricultural land sa pamamagitan ng pagsinop sa tubig ulan at pangangalaga sa lahat ng ilog, sapa sa buong kapuluan.
Sa ngayon ay may kanya-kanyang papel ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa usapin ng tubig kaya karaniwan ay kanya-kanya ang mga ito ng diskarte at walang iisang programa.
Kapag tuluyang naging batas, lahat ng attached agencies ng iba’t ibang departamento na may kinalaman sa tubig ay pag-iisahin na lang sa ilalim ng DWR tulad ng Manila Bay Coordinating Office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at flood management planning and sediment functions ng Department of Public Works and Highways (DILG).
Umaabot sa P2 billion ang inisyal na pondong inaprubahan sa pagtatatag ng DWR habang P300 million naman sa Water Regulatory Commission. (ESTONG REYES/BERNARD TAGUINOD)
184
