EMPLOYMENT SECURITY PALALAWIGIN

INIHAIN sa Senado ang isang panukalang batas upang palawigin ang employment security o seguridad sa paggawa para sa empleyadong nahaharap sa banta ng corona virus 2019 (COVID-19).

Inihayag ni Senador Manuel “Lito” Lapid na inaatasan ng inihain niyang Senate Bill No. 1910 ang lahat ng employer na magbigay ng lugar-gawaan na ligtas sa seryosong panganib, isang work area na kumportable at mapalalawak ang pagiging produktibo ng manggagawa.

Base sa panukala, sinabi ni Lapid na sinomang empleyado na nahaharap sa banta ng COVID-19 ay maaaring ipaalam sa kanyang employer ang anomang alalahanin sa kalusugan na maaari nitong suungin kung ipagpapatuloy ang kanyang trabaho.

Sa panig naman ng employer, dapat kaagad itong kumilos sa pamamagitan ng paglalagay ng dagdag na safety equipment, pagbabago sa work environment, paggamit ng naaayon na work schedule o paghahanap ng alternatibong angkop na paggawa sa naturang empleyado.

“Napaka delikado ng panahon ngayon lalo na’t hindi natin nakikita ang ating kalaban. Gayunman sa gitna ng panganib na dala ng pandemya, nakikita natin ang ating mga kababayan na pursigido pa rin sa pagtatrabaho. Kaya isinusulong ko na dapat ang mga may-ari ng kumpanya at opisina lalo na yung may mga empleyadong posibleng ma-expose sa panganib ng COVID-19, ay maagap na makapagbigay ng ligtas na lugar na pagtatrabahuan at angkop na iskedyul para masigurong malayo sa kapahamakan ang kanilang manggagawa,” ayon kay Lapid.

Sinabi pa ni Lapid na sakaling mabigo ang employer na kumilos sa alalahanin na sinuong ng empleyado o hindi nakuntento ang empleyado sa tugon ng kanyang employer, maaari itong idulog sa Regional Office ng Department of Labor and Employment (DOLE). (ESTONG REYES)

240

Related posts

Leave a Comment