‘Gulo’ sa b-day ni Velasco nakumpirma PULONG DUMISTANSYA SA MAJORITY BLOC

MAUGONG ngayon ang pagdistansya ni Presidential son at Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa majority bloc sa Kamara matapos umanong kwestyunin ng dalawang kongresista ang kanyang loyalty.

Sa nag-leak na message mula sa “All Members Viber Community” sa Kamara, nagmensahe ang anak ni Pangulong Duterte na ididistansya niya ang sarili sa ruling majority sa HOR (House of Representatives).

“Maraming salamat po for taking care of me dito sa pulitika ng Metro Manila. Sana po di niyo iQUESTION loyalty ko, kasi yun na lang ang natitira sa pagkatao ko pagkatapos ako siniraan ng mga kalaban ng tatay ko nung tumakbo siyang Presidente, Maraming Salamat po,” ang unang viber message ni Duterte na nakuha ng ilang mamamahayag.

“Sorry to say but I have to distance myself na po pati sa ruling majority ng HOR pinahiya at naquestion na po loyalty. Sa bunganga po ni Cong. Mangudadatu at Congw. Sharon Garin mababalitaan niyo po yan mamaya agad. So pinili ko po to properly habang may mukha pa ako maharap sa inyo wait and see na lang po Monday,” base pa rin sa leak viber message ni Duterte.

Idinugtong nito na “Yes po nagkagulo sabihin ko na dati at lumuhod po ako humingi ng tawad kay Speaker, Maraming salamat po”.

Dahil dito, mistulang kinumpirma ng mambabatas ang ugong na nagkagulo sa birthday party ni Speaker Lord Allan Velasco na ginanap sa isang hotel sa Luneta Park matapos itong manumpa kay Pangulong Duterte sa Palasyo noong Nobyembre 9 na mismong araw ng kanyang ika-43 kaarawan.

Nabatid na hindi nagustuhan ni Rep. Duterte ang narinig sa nasabing pagtitipon hinggil sa pagkakatalaga nito bilang chairman ng House committee on accounts gayung hindi ito kasama sa bumoto kay Velasco bilang Speaker.

Ikinagalit umano ito ni Rep. Duterte at umawat naman si Mangudadatu kaya nagkaroon ng gulo.

Tinangka ng ilang mamamahayag na kunan ng panig sina Garin at Mangudadatu dahil nabanggit ang kanilang pangalan sa viber message ni Duterte subalit hindi sumasagot ang mga ito sa mga tawag at text message. (BERNARD TAGUINOD)

197

Related posts

Leave a Comment