TINIYAK ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, BGen. Vicente Danao na magiging maingat ang pulisya kasunod ng direktibang intensified police operation laban sa lahat ng uri ng kriminalidad lalo na sa droga.
Ayon kay Bgen Danao, mahigpit ang kanyang tagubilin sa mga tauhan ng NCRPO na igalang ang human right sa kanilang pinaigting at pinalakas na police operations base sa ibinabang marching order ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamunuan ng Philippine National Police na iprayoridad ang pagsugpo sa drug syndicates, terrorist at insurgency.
Nabatid na bahagi ng programa ni Danao ang internal cleansing sa hanay ng kapulisan sa kalakhang Maynila sa pamamagitan ng kanyang “Oplan Litis” kung saan ay uusigin ang mga police scalawag.
Bunsod ng nasabing programa, nakatakdang maglabas ng mga hotline ang NCRPO kung saan pwedeng magreklamo ang publiko laban sa rogue cops.
Tahasang nagbabala ang heneral na hindi niya papayagan na abusuhin ng “men in uniform” ang publiko at lalong hindi niya kukunsintihin ang pang-aabuso ng kaniyang mga tauhan sa mga sibilyan. (JESSE KABEL)
208 