DALAWANG hinihinalang big time drug dealers ang nadakip sa isinagawang anti-narcotic operation sa isang mall sa Maynila, ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Huwebes.
Ayon kay Director Derrick Carreon, PDEA spokesman, kalahating kilo ng shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng PDEA Region 4A, sa ikinasang buy-bust operation sa parking lot ng kilalang shopping mall.
Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PDEA Director General Wilkins Villanueva, kinilala ang dalawang drug dealer na sina Jabbar Bantuas y Linog at Mohammad Ali Bolao y Borac.
Bandang alas-2:30 ng hapon ikinasa ang buy-bust operation sa rooftop ng parking lot ng SM Manila.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang isang plastic sachet na naglalamang ng shabu na aabot sa P3,400,000 ang street value.
Pansamantalang nakadetine ang mga suspek sa PDEA Region 4A at nahaharap sa kasong paglabag Sec. 5, Art. II in relation to Sec. 26 paragraph B ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (JESSE KABEL)
208 