Balik ensayo si Olympian EJ Obiena

MAKARAANG sumailalim sa isang buwang pahinga upang mabawi ang kanyang lakas dala ng preparasyon at ilang kompetisyon laban sa mga magagaling sa daigdig mula noong Disyembre, nakabalik na ang Filipino pole vaulter na si Ernest Obiena sa pag-eensayo para sa kauna-unahan niyang paglahok sa Olimpiyada sa susunod na taon.

Ayon sa kanyang amang si Emerson Obiena, sa loob ng nakaraang dalawang buwan ay muling sumailalim ang 25-taong gulang na Pinoy high-flyer sa training ng kanyang Ukranian coach na si Viraly Petrov sa Formia, Italy kung saan siya ay naka-base mula nang ipanalo ang gold medal sa nakalipas na 30th Southeast Asian Games.

Si EJ, tawag sa kanyan ng kanyang mga magulang at ­kamag-anak, ay hindi sinunod ang payo ng kanyang gurong si Petrov na umuwi muna sa Pilipinas at magbakasyon sa ­kasagsagan ng COVID-19 para makasama ang mga mahal sa buhay.

Sa halip na magbakasyon, nagsakripisyo si EJ na hindi makita ang mga kapatid at magulang, di tulad ng kanyang mga kasama sa team ni Petrov gaya ni 2016 Rio Olympics gold medalist Thiago Braz ng Brazil, at nagdesisyong manatili sa Italy.

Ipinagtapat ni Emerson sa kolumnistang ito na si Braz at mga kasama ay nahihirapan nang makabalik ngayon sa training camp bunsod ng bagong pagbabawal ng pamahalaan ng Italia na tumanggap ng mga dayuhan dahil sa bagong pagkalat ng COVID-19 cases sa naturang bansa.

“It looks like the pandemic has returned with rising cases in Italy, kaya mas mahirap ngayong bumalik doon,” aniya.

Ayon pa kay Emerson, isa ring bantog na pole vaulter noong kabataan niya, balik sa basics si EJ upang maiwasan ang anumang pinsalang maaari niyang makuha mula sa matagal niyang pagpapahinga.

Bago niya kusang ipahinga ang sarili, si EJ na nagdiwang ng kanyang ika-25 kaarawan noong Nobyembre 17 lamang, ay nakaipon ng di kukulangin sa anim na medalya mula sa mga prestihiyosong kompetisyon sa Europa mula Agosto hanggang Setyembrre.

Isang medalyang ginto ang kanyang naibulsa noong ­Setyembre 11 buhat sa Ostrava Golden Spike World Continental Tour kung saan nakatalon siya ng 5.70 metrong taas.

Si EJ na nabibilang sa pamilya ng mga atleta – ang kanyang inang si Jeanette ay dating isang sikat na hurdler — ay ­lumahok din sa Rome Diamond League noong Sept. 15 kung saan ay tumalon siya ng 5.80 metro, kulang ng isang sentimetro sa ­kanyang personal best na 5.8 metro, para sa medalyang tanso.

Samantalang nasa transisyon, hindi nakalimutan ni EJ na manatiling nasa kondisyon sa pamamagitan ng paglalaro ng basketbol. Dahil sa kanyang 6-talampakan at 2 pulgadang taas ay kinikilala rin siyang magaling magbasketbol ng mga kapwa niya atleta.

Katunayan, all-around athlete si EJ, na magaling din sa swimming, biking, mountain climbing, tennis at volleyball.

Si EJ ay isa sa mga inaasahan ng bansa na makagpadadala ng medalya sa track and field sa 2021 Tokyo Olympics, makaraan ang 84 taon mula nang ang kababayang si Miguel White ay nagwagi ng bronze sa 400 hurdles noong 1936 sa Berlin. Nauna rito, nanalo ng bronze si high jumper Simeon Toribio noong 1932 sa Los Angeles.

184

Related posts

Leave a Comment