WALANG MODO, BASTOS NA HEALTH CENTER STAFF INIREREKLAMO

PINUPUTAKTE ng PUNA at batikos mula sa mga netizens ang walang modo at bastos na mga staff ng isang health center na matatagpuan sa Barangay 171 Bagumbong, Caloocan City.

Base sa mga komento sa Facebook page ng mga taga-Barangay 171 Bagumbong, Caloocan, mga bastos daw at walang modo kung magsalita ang ilang staff ng health center sa mga tao na nagpapacheck-up, humihingi ng referral pati na ng libreng gamot.

Ayon sa isang comment, wala daw pakundangan kung magsalita ang mga staff na ito na kulang na lang ay manliit sa hiya ang mga may sakit na nagtutungo sa ­naturang health center.

Para po sa kaalaman ng ­nakararami, sa mga health center po kasi matatagpuan ang tinatawag na TB-DOTS na kung saan dito kumukuha ng gamot ang mga pasyenteng may Tuberculosis (TB).

Sa loob ng anim na buwan ay hihingi ng gamot sa mga health center ang may sakit na TB lalo na yung mga walang pambili. Kaya karamihan sa mga nakararanas ng pamamahiya ay silang may mga sakit na TB.

Hindi po maganda ang nangyayari sa health center ng Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan kung walang respeto sa mga tao ang ilang staff niyan.

Baka hindi nyo po ba alam? Na kaya itinayo ang mga health center sa ibat-ibang barangay sa buong bansa ay para makatulong sa mga ordinaryong mamamayan na walang pambili ng gamot at walang kakayanan magtungo sa mga ospital.

Para maging patas tayo ay kinuha natin ang panig ni Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan City Chairman Romy Rivera kung anong masasabi niya sa hindi magandang ugali ng ilang staff ng health center.

Kinumpirma ni chairman Rivera na may inirereklamo ngang dalawa nilang staff sa kanilang health center. Ipinarating na raw niya kay Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang nasabing problema.

Tiniyak din ni Kapitan Rivera sa PUNA na aaksiyunan niya ang reklamo laban sa nasabing mga staff.

Ayon pa kay chairman Rivera binanggit niya na rin daw sa isang duktor na nakatalaga sa naturang health center na inirereklamo ang ilan sa kanilang staff.

Personal din daw niya pupuntahan ang health center para pagsabihan na ayusin ang kanilang pagtrato sa mga nagtutungo at humihingi ng tulong sa kanila.

Paalala lang po sa mga nangangasiwa ng health center ng Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan City na ang inyong pinapasukan ay nasa ilalim ng gobyerno.

Kung nasa ilalim po kayo ng gobyerno ay maaari kayong ireklamo sa Civil Service Commission (CSC), Office of the Ombudsman o kaya sa Local Government Unit (LGU) partikular sa tanggapan ni Mayor Malapitan.

Baka nakalimutan nyo na kung walang mamamayan ay wala tayong gobyerno. At kaya tumatakbo ang gobyerno dahil sa buwis na ibinabayad ng mamamayan.

Tapos ngayon ang pinagmamalupitan nyo ang mga nagpapasweldo sa inyo! Lumagay kayo sa ayos. ‘Wag niyo silang itrato na mga balasubas, igalang nyo sila dahil kung wala sila, walang health center at wala rin kayong trabaho ngayon.

May mga madadamay pa sa inyong ginagawang pagmamalupit sa mga taong lumalapit sa inyo lalo na si Brgy. 171 Bagumbong chairman Romy Rivera.

Maging ang kamag-anak niya ay naging biktima rin ng hindi nyo magandang pagtrato sa mga lumalapit sa inyo. ‘Wag nyo antayin na mapuno sa inyo ang mga tao.

Kung hindi pa rin ninyo aayusin ang pagtrato o serbisyo sa tao ay mas makabubuting ipasibak na kayong lahat.

Sa susunod aalamin natin ang ginawang hakbang ni chairman Rivera laban sa mga inirereklamong staff ng health center na yan.

Hindi natin pwedeng balewalain ang reklamo ng mamamayan laban sa dalawang staff lamang ng health center.

Babantayan natin ang isyung ito dahil hanggang ngayon ay pinuputakte pa rin ng batikos ng netizens ang mga walang modo at bastos na staff ng health center.

Kailangan po mabigyan ­solusyunan ang inirereklamo ng nakararami.

Sabi nga ni Pangulong Duterte maraming nangangailangan ng trabaho na pwedeng ipalit sa kanila.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

292

Related posts

Leave a Comment