INAMIN ni Interior Secretary Eduardo Año na hindi aktibo ang anti-illegal logging units ng local government units (LGUs) at ng Philippine National Police (PNP).
Ang nasabing task force (TF) laban sa pagtotroso ay nakasaad sa Executive Order No. 23 na inilabas noong 2011.
Ani Año, ang ilegal na pagtotroso ang isa sa mga dahilan ng malawakang pagbaha sa ilang rehiyon sa Luzon na tinamaan ng magkakasunod na bagyo.
Maraming barangay sa mga lugar na hinagupit ng mga bagyo tulad sa Bikol, Cagayan, Rizal at Lungsod ng Marikina, ang lumubog sa baha.
Aniya, ang sinapit ng nasabing mga lugar ay sakunang nagsasabing dapat nang “magising” ang pamahalaan.
Dahil hindi aktibo ang mga organo ng LGUs at PNP sa mga rehiyon na dapat magpatigil sa ilegal na pagtotroso, kailangang buhayin ang mga ito.
Maging ang illegal quarrying ay dapat na ring matuldukan, patuloy ng kalihim.
“The flooding brought by Typhoon Ulysses is a harsh reminder that we are failing at doing our level best to protect the environment, especially our remaining forest cover. Kaya’t inaatasan ko ang lahat ng PNP units at LGUs na pigilan ang illegal logging at illegal quarrying sa kanilang mga nasasakupan,” paliwanag ni Año.
Binanggit din niya na kailangang makipag-ugnayan ang anti-illegal logging units sa pangrehiyong tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). (NELSON S. BADILLA)
175 