PALPAK NA KALIHIM NG DSWD SI HENERAL BAUTISTA

MARAMING reklamo laban sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong uumpisan pa lamang ang implementasyon ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan dahil hindi patas ang pagkuha ng mga empleyado nito sa mga pangalan ng mga pinakamahihirap na pamilya sa lahat ng panig ng bansa.

Nagpatuloy ang kapalpakan ng DSWD hanggang sa mismong pamamahagi ng ayudang pinansiyal sa mga benepisyaryo ng SAP dahil ang dapat na naipamigay noong Abril at Mayo ay umabot pa hanggang Agosto.

Pero, nadiskubre ng ilang Senador na mayroong natirang P10 milyon sa pondo ng SAP.

Napakaraming mga Filipino na sobrang kalunus-lunos ang buhay, lalo na nang mawalan ng trabaho, o mapagkakakitaan, nang naka-lock down ang bansa dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pero, nagtira pa ang DSWD ng sampung milyon mula sa bilyun-bilyong pondo para sa SAP.

Pokaragat na ‘yan!

Ang higit na matindi ay mayroon palang P83.2 bilyong pondo sa DSWD na hindi pa naipamamahagi.

Nadiskubre ito ng mga senador nang tinatalakay nila ang hinihinging badyet ng DSWD para sa 2021.

Pokaragat na ‘yan!

Ayon kay Senadora Imee Marcos, sa P83.2 bilyong pera ay P75 bilyon diyan ang pondong nakalaan para ngayong 2020, P6.7 bilyon mula sa dalawang batas ng ­Bayanihan at P1.5 bilyong tira mula sa badyet ng 2019.

Kasama sa P75 bilyon ang buwanang ayuda sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), buwanang pensiyon ng senior citizens at iba pa.

Syempre, nabatikos ang DSWD na pinamumunuan ni ­Secretary Rolando Joselito Bautista dahil maling mag-iwan pa ng sampung milyon.

Si Bautista ay retiradong ­heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sabi ni Senador Juan Miguel Zubiri: “Here we are, deliberating next year’s national budget, pero iyon pong bilyones na budget ng DSWD for this year, 2020, ni hindi pa nga napakikinabangan ng taumbayan. Napakasayang ng pondo”.

Ganito naman ang ratsada ni Senador Franklin Drilon: “Not distributing P83 billion to our countrymen is almost criminal if P83 billion is available and is not being used”.

“Sampung milyon sa ating kababayan nawalaan ng trabaho, 5 milyon nakaranas ng gutom sa nakaraang 3 buwan, and yet mayroon tayong P83 billion unexpended sum in the coffers, in the bank accounts of the DSWD”, paalala ni Drilon.

Hindi ko masisisi ang mga senador kung hambalusin nila ang DSWD dahil P83.2 bilyon ang pinag-uusapang pera ang dapat pakinabangan ng mga Filipino na benepisyaryo ng samu’t saring programa ng nasabing kagawaran, ngunit nanatili sa bangko.

Kung ako rin ay senador, pihadong mababatikos ko nang todo si Heneral Bautista, sapagkat hindi maipagkakailang palpak siyang kalihim ng DSWD.

Kung hindi palpak, ano ang tawag ninyo sa kapabayaang naganap sa DSWD?

Hindi tamang idahilan ang COVID-19 upang hindi matugunan ng DSWD ang trabaho, tungkulin at obligasyon nito sa mamamayang Filipino, sapagkat noong maglabas ng pondo ang Department of Budget and Management (DBM) makaraang maging batas ang ­Bayanihan to Heal as One Act ay mabilis na kumilos si Bautista kung saan unang nabiyayaan ng ayudang galing sa SAP ang mga benepisyaryo ng 4Ps.

Nagpatuloy ang DSWD sa pamamahagi ng ayudang galing sa SAP habang napakahigpit na ipinatutupad ang mga alituntuning itinakda ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Kamakailan lang, inanunsiyo ng DSWD na maglalabas ito ng P77.9 milyong halaga ng ipangtutulong sa mga biktima ng magkakasunod na bagyo.

Siyempre, inaprubahan ito ni Secretary Bautista dahil siya nga ang pinuno ng DSWD.

Ipaalala ko lang po na ipinangako ng DSWD ang P77.9 ­milyon habang hindi pa natatapos ang suliranin natin sa COVID-19.

Tingnan ding mabuti ni Bautista na marami ring mga opisyal at kawani ng iba’t ibang kagawaran at ahensiya ng pamahalaan ang kumikilos habang hindi nawawala ang nakakatakot na COVID-19.

Kaya, hindi ko maintindihan kung bakit hindi umaksiyon si Bautista upang mailabas ang P83.2 bilyon, kasama na ang P1.5 bilyong salapi na bahagi pa ng pondo ng DSWD noong 2019.

Hindi ko maintindihan kung bakit palpak na kalihim si Heneral Bautista.

186

Related posts

Leave a Comment