INAPRUBAHAN na sa ikatlo at huling pagbasa sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magbibigay proteksyon sa mga online shopper at maging sa delivery boys.
Sa botong 232 pabor at 6 ang kumontra, lumusot ang House Bill (HB) 7805 o Internet Transaction Act na inakda ni Valenzuela Rep. Wes Gatchalian, chairman ng House committee on trade and industry.
Sa ilalim ng nasabing panukala, bubuo ng Electronic Commerce Bureau (Ecommerce) na siyang magpapatupad ng batas para proteksyunan ang mga online shopper.
Maging ang mga ride hailing provider o ang mga nagdedeliber ay poproteksyunan na rin dahil marami sa mga ito ang naloloko ng customers na nagpapadeliber ng pagkain subalit mali ang address na ibinibigay.
Base sa nasabing panukala, kailangan ding tiyakin ng mga online seller gamit ang mga social media platforms na ang produktong ibinebenta ng mga ito ay totoo at hindi peke.
Nangangahulugan na kung ano ang produkto na kanilang ipinakikita online ay iyon din ang ipadedeliber nila sa customer at dapat nasa maayos na kondisyon.
Ang lalabag na online sellers ay pagmumultahin ng katumbas ng halaga ng kanilang ibinenta online at kukumpiskahan ang kanilang mga produkto.
Mas malaki ang multang ipapataw sa mga Ecommerce platform dahil pagmumultahin ang ito mula P500,000 hanggang P5 million at pagbabawalan ding magbenta online.
Maging ang mga rider na nagdedeliber ng pagkain ay bibigyan ng proteksyon dahil papatawan ng multa ng hanggang P50,000 ang manloloko sa kanila.
Gayunpaman, kailangang rehistrado ang mga rider o delivery boys at hindi puwedeng itago ang kanilang pagkakakilanlan dahil kapag lumabag sila sa batas ay pagmumultahin sila ng P500,000 at kakanselahin ang kanilang lisenya sa pagmamaneho. (BERNARD TAGUINOD)
164 