NILINAW ng Malakanyang na para makubra ang reward ng mga magsusumbong sa TXT 8888 ay kailangan nilang ilagay ang kanilang pagkakakilanlan.
Ang makukuhang reward o pabuya ay kapalit ng ipinarating nitong anomalya kontra sa isang korap na kawani o opisyal ng pamahalaan.
Tiniyak naman ni Presidential spokesman Harry Roque na mananatiling confidential ang identity ng mga tipster.
Sinabi ni Sec. Roque na mahalaga na may reference ang pamunuan ng TXT 8888 upang madali itong makontak o ma-trace sakali’t magpositibo ang reklamo nito laban sa isang kurakot.
Kaya paalala ng Palasyo, sa mga nais magsuplong ng mga korap na kawani at opisyal ng gobyerno sa pamamagitan ng text. I-text lang ang C slash (/) pangalan….(kung gustong magpakilala)… slash…. concerned government Agency… slash at i-type na ang kumpletong detalye ng complaint at i-send sa 8888.
Sa public address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong Lunes, sinabi nitong 20,000 pesos ang cash incentive na ibibigay ng gobyerno sa “tipsters” na makapagbibigay ng pangalan ng taga-gobyerno na sangkot sa korupsiyon.
Sinasabing, P10,000 naman ang reward na naghihintay sa impormanteng magre-report ng petty graft o iyong maliliit.
Nauna na ring binanggit ng pangulo na hindi kailangan magpakilala ang tipster. (CHRISTIAN DALE)
167 