IKINUKONSIDERA ng mga alkalde sa kalakhang Maynila na irekomenda sa Malakanyang ang pagpapanatili ng kanilang mga lungsod at bayan sa general community quarantine (GCQ) sa buong holiday season o hanggang sa katapusan ng taon.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., nais lamang mag-ingat ng Metro mayors kaya hindi pa irerekomenda na ibaba sa modified GCQ ang quarantine status sa Metro Manila.
Inirekomenda aniya ng mga ito na paluwagin na lamang ang restriction sa susunod na taon.
Inanunsyo ng Malakanyang na ihahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong quarantine classification para sa Disyembre ngayong Lunes, November 30.
CAROLING BAN, TULOY
Kaugnay nito, tuluyan nang ipinagbawal ng Metro Manila Council (MMC) ang pagsasagawa ng tradisyunal na Christmas caroling para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay MMC Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, nakapagkasunduan din nila na suspendihin ang mga Christmas party sa public offices.
Samantala, pinabulaanan naman ng Department of Health na may basbas sa kanila ang public advisories na kumalat kahapon na nagpapaalala hinggil sa ligtas na pagsasagawa ng Christmas party.
“When we verified with the office in charge for this, hindi pa kami nagpapalabas. So we wonder why lumabas na agad dahil pag-uusapan pa lang sana yung messages na ‘to para hindi nakakalito sa mga kababayan,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.
Kahapon ay kumalat ang text advisory ng National Telecommunications Commission (NTC) na inirerekomenda umano ng DOH, Department of Information and Communications Technology, at Healthcare Professionals Alliance for COVID-19 (HPAAC) ang outdoor parties.
“May Christmas party? Buksan ang bintana at electric fan. Mas ligtas kung outdoor ang venue. Maligayang Pasko? Kaya natin ‘to!,” ayon sa advisory. (DAVE MEDINA)
185 