INIHAYAG ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nakaisip sila ng paraan ni Vice Mayor Honey Lacuna upang ang lahat ng pamilya sa lungsod, na umaabot sa 650,000 ang populasyon, ay magkaroon ng pagsasaluhan sa kanilang hapag pagdating ng bisperas at mismong araw ng Pasko.
“As we speak, baka nasa mga distrito na ang food packs. May mapagharimunan man lamang ang mga tao… walang nganga sa bisperas ng Pasko. ‘Yung 70 percent of the food packs can be set aside para sa Christmas Day o Christmas eve. Kung wala kang chape (money), kahit paano me handa, hindi ka nganga,” ayon sa alkalde.
Dinagdag pa nito, “Di man namin kayang sagutin lahat, maramdaman man lang nila na me gobyerno sa lungsod.”
Samantala, siniguro ni Domagoso na handa na ang pamahalaang lokal na bumili ng bakuna kontra sa COVID-19.
Ibinida rin ng alkalde, ang dating P200 million budget ng lungsod sa pagbili ng bakuna ay nadagdagan pa at P250 million na.
Aniya pa, maswerte siya sa pagkakaroon ng koneksyon sa pharmaceutical companies na nagde-develop ng bakuna sa COVID-19.
Sinabi niyang na ang bakuna at naghihintay na lang ng certification.
“Pag dumating ang oportunidad na magkamit ng vaccine, ang regalo namin sa inyo ni Vice Mayor Honey at mga konsehal on top of the national government, the local government will do the same,” dagdag pa ng alkalde.
Sa pagpili kung sino ang mauuna sa bakuna, sinabi ni Moreno na hihingin niya ang gabay ng regulatory offices, dahil kailangang bigyang konsiderasyon ang age groups at may preconditions.
“Kung ano ang protocol ng DOH, ‘yun din ang gagamitin ng Manila Health Department para ‘di naliligwak ‘yung utaw o nangangapa sa dilim. Kung ano ang mensahe ng national government, ganundin ang mensahe ng local government at mensahe din ng mga barangay,” dugtong pa ng alkalde. (RENE CRISOSTOMO)
