ISANG dating kasapi ng Moro Islamic Liberation Front na sumanib sa ISIS influenced Abu Sayyaf Group kidnap for ransom group, ang napaslang ng mga tauhan ni PNP–Anti-Kidnapping Group chief, P/BGen. Jonnel C. Estomo, sa isinagawang law enforcement operation nitong Miyerkoles ng madaling araw sa Sibuco, Zamboanga del Norte.
Ayon kay P/BGen. Estomo bandang, alas-2:05 ng madaling araw nang mapatay ng kanyang mga tauhan si Jupuri Dais alyas “Jupuri” Nabua, isang hardcore member ng ASG kidnap for ransom group, sa ilalim ng pamumuno ni Almujir Yadah, na nahaharap sa kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention.
Armado ng warrant of arrest, sinalakay ng PNP–AKG Mindanao Field Unit, sa pangunguna ni P/Lt. Col. Clarence C. Gomeyac, kasama ang ilang mga operatiba ng S2, RMFB9, 904th MC, TSC, SIBUCO MPS, 55 SAC- SAF, RACTG9, CIDU9, MAPIO ZSO9 at RMU9, ang pinagtataguan ng suspek sa Brgy. Poblacion, sa bayan ng Sibuco.
Nang aktong isisilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Laarni N. Dajao, Presiding Judge ng RTC Branch 27, 9th Judicial Region, Siocon, Zamboanga Del Norte, ay nagbunot ng baril ang suspek at nagtangkang tumakas.
Bunsod nito, nagkaroon ng palitan ng putok na ikinamatay ng suspek.
Ayon kay P/Major Ronaldo Lumactod, tagapagsalita ng PNP-AKG, si Dais ay dating kasapi ng MILF bago sumama sa ASG KFRG operations sa mga bayan at siyudad ng Zamboanga Del Norte.
Inihayag pa ni Lumactod, base sa kanilang intelligence-driven information, ang suspek kasama ang grupo nito, ang responsable sa serye kidnapping cases gaya ng pagdukot kay Martina Yee noong 2016, kidnapping sa mag-asawang Duterte nitong 2017, pagdukot sa mag-asawang Ruda at maging sa isang Javier family noog 2018.
Pinalaya ang nabangit na mga biktima matapos magbayad ng ransom ang kanilang mga pamilya.
Nabatid na bago napaslang ng mga tauhan ni Gen Estomo ang suspek ay nagsasagawa ito ng ‘spotting and surveillance’ sa area ng Sibuco para sa panibagong kidnapping activities kung saan sinasabing isang project engineer at contractor ang target. (JESSE KABEL)
180
