Sinuro ng pulang kotse 1 PATAY, 6 SUGATAN SA DIVISORIA

PATAY ang isang 53-anyos na lalaki habang isa ang kritikal ang kalagayan sa pagamutan at lima ang sugatan makaraang suruin ng isang pulang kotse ang limang sasakyan at ilang mga taong naglalakad sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue sa Divisoria, sakop ng Tondo, Manila, nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang namatay na si Lauro Lucaycay, ng Blk. 3, Lot 9, San Patricio St., Tondo.

Samantala, sina Jeffrey Del Rosario, 41, driver ng Hyundai H100 na puti (NBS-0953); Jonathan Ratin, 40, jeepney driver (DCU-947) na nadamay sa insidente ay nasugatan sa kanilang katawan.

Habang nabali ang kaliwang binti at kaliwang braso si Adriano Limse, 38-anyos, isang sidecar boy.

Lulan naman ng Honda TMX-125 ang isang Ryan Boy Caranzo, 39, na nagkaroon din ng bali sa kaliwang binti.

Bukod sa mga biktima, isa pang hindi kilalang lalaki ang patuloy na inoobserbahan ang kalagayan sa ospital.

Kalaboso naman at nahaharap sa patong-patong na kaso ang isang Armando Pitas y Rillorie, 55, driver ng pulang Hyundai Accent (NDL-9295) at residente ng PNR Site, FTI, Brgy. Western Bicutan, Taguig City.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/SMS. Michael Anthony Ramirez na isinumite kay P/Capt. Jaime Gonzales, hepe ng Investigation Section ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), alas-7:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue sa Divisoria.

Nawalan umano ng preno ang minamanehong kotse ni Pitas kaya inararo ang isang PUJ, pedicab, motorsiklo, E-trike at bisekleta, gayundin ang ilang mga taong naglalakad. (RENE CRISOSTOMO)

151

Related posts

Leave a Comment