Naglaan ang Las Piñas City Government ng P200-milyong pisong pondo o augmentation funds sa national government para sa karagdagang pagbili ng coronavirus disease (COVID-19) vaccines upang mabigyan ng libreng bakuna ang mga residente sa lungsod.
Ito ang inihayag ni Mayor Imelda “Mel” T. Aguilar bilang pagtitiyak na prayoridad ng Lokal na Pamahalaan ang kalusugan,kaligtasan at kapakanan ng mga Las Piñeros partikular ngayong panahon ng pandemya.
“Nais kong tiyakin na ang inilaang pondo ng ating lokal na pamahalaan ay magagamit sa agarang pagbili ng kakailanganing bakuna kapag available na ito sa merkado,” pahayag ni Mayor Mel Aguilar.
Binigyang-diin ng alkalde na sakaling makabili na ng COVID-19 vaccines ay libreng ipagkakaloob ito para pabakunahan ang mga frontliners kabilang ang mga medical at health care workers, mga kawani ng lokal na pamahalaan,tauhan ng Las Piñas City Police,senior citizens at mahihirap na residente sa lungsod.
“Tuluy-tuloy pa rin ang isinasagawang COVID-19 response efforts ng ating lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan ng ating City Health Office upang tugunan at labanan ang pagkalat ng sakit,” dugtong ng alkalde.
Tiniyak din ni Mayor Aguilar na kahit nananatiling mababa ang kaso ng COVID-19 sa lungsod, hindi aniya magpapakampante ang Las Piñas City Government lalo na ngayong kumakalat na sa iba’t ibang bansa ang bagong COVID-19 variant.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang alkalde sa mga residente na patuloy na makiisa at makipagtulungan sa lokal na pamahalaan at patuloy na sumunod sa health and safety protocols upang maiwasan ang hawaan ng sakit.Sa ngayon,puspusan ang pakikipag-ugnayan ng Las Piñas LGU sa national government partikular sa Department of Health (DOH) at ng Food and Drugs Administration (FDA) para sa mga maaaring rekomendasyon at rehistradong vaccines.
Samantala,isa ang Las Piñas City sa mga mahihirap na lungsod sa Metro Manila dahil malaking bahagi ng siyudad ay pawang residential at subdivision lamang. (Jhay Jalbuna)
