HULI sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang 14 most wanted persons sa iba’t ibang bahagi ng nasabing lungsod noong Huwebes.
Kinilala ni QCPD Director, Police Brigadier General Danilo P. Macerin ang municipal most wanted person ng Camarines Norte na si Joshua Justares, 20-anyos, residente ng Brgy. Doña Imelda, Quezon City
Si Justares ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest noong Enero 7 sa panulukan ng Bayani Road at Majak St., Brgy. Doña Imelda, Quezon City, dahil sa kasong paglabag sa RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act).
Kabilang din sa arestado ang wanted person na kinilalang si Zenaida Gerochi, 67, sa Kingspoint Subd., Brgy. Bagbag Novaliches, dahil sa kasong paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at estafa.
Nadakip din ang mga suspek na sina Mica Ombas, 23; Ma. Elena Ombas, 26, Jasmine Macky Tamayo, 29, at Grace Bautista, 27, sa Area 9-B, Veterans Village, Brgy. Pasong Tamo, dahil sa kasong slight physical injuries.
Nahuli naman ng Talipapa Police Station (PS 3) sina Angelito Huelva, 38, at Felicidad Huelva, 77-anyos, sa Rivera St., Brgy. Sangandaan, dahil sa kasong unjust vexation.
Hinuli rin ng mga tauhan ng Novaliches Police Station (PS 4) sa pamamagitan ng warrant of arrest si Julius Morales, 43, sa kasong estafa.
Dinampot ng Batasan Police Station (PS 6) sina Diana Satparam, 52; Melinde Bunag, 39, at Jenelyn Escobido, 32, sa #71 Talanay, Area B2, Muñoz St., Brgy. Batasan Hills, dahil sa paglabag sa PD 1602 o illegal gambling.
Kalaboso rin si Bernardo Samelo, 49, matapos madakip sa kanyang bahay sa Brgy. Commonwealth, dahil sa kasong slander.
Sinilbihan din ng warrant of arrest ng Galas Police Station 11 si Erwin Orpilla, 30, dahil sa paglabag sa RA 9262. (JOEL O. AMONGO)
