PINAS HINDI KULELAT SA PAGBABAKUNA

TINIYAK ni Presidential spokesperson Harry Roque na mayorya ng mga bansa sa ASEAN region ay hindi pa nagsisimulang magbakuna ng anti-COVID-19.

Hindi rin aniya nahuhuli ang Pilipinas pagdating sa pag-aangkat ng COVID-19 vaccine sa ibang bansa.

Sa katunayan aniya ay inisa-isa nila ang mga karatig-bansa sa Southeast Asia kung saan nalaman nila na tanging Singapore ang nakapagsimula na magpaturok ng bakuna laban sa COVID-19.

Bukod dito, ayon kay Sec. Roque, lahat ng mga kasamang bansa sa ASEAN ay halos kasabay ng Pilipinas na magsimula nang pagtuturok ng bakuna ngayong first quarter ng 2021.

Binigyang-diin ni Sec. Roque na dapat nang tanggapin na talagang mauuna ang mayayamang bansa na makikinabang sa COVID-19 vaccine gaya ng Estados Unidos, United Kingdom at Canada dahil sila aniya ang nagbayad para makalikha o maka-develop ng mga bakuna kontra virus.

Samantala, pinalagan din ng Malakanyang ang inilathala ng Moody’s Analytics na ang Pilipinas ang magiging kulelat sa Asia-Pacific na maibalik ang kinang ng ekonomiya ng bansa dahil sa pandemiya.

Sinabi kasi ng Moody’s Analytics na nakikita nito na makababangon lamang ang bansa sa huling bahagi ng taong 2022.

“Well, unang-una, in-explain na po iyan ni (Finance) Secretary Sonny Dominguez kaya ayaw nating mangutang nang todo-todo. Kasi kapag tayo ay nangutang nang todo-todo, maaapektuhan din iyong ating credit rating, tataas din iyong mga interest na babayaran natin at hindi nga tayo sigurado kung kailan pa tatagal itong krisis na ito na dulot ng COVID-19. So ang ini-aim niya, nandoon lang tayo sa gitna ng mga pangungutang ng daigdig,” ayon kay Roque. (CHRISTIAN DALE)

79

Related posts

Leave a Comment