NAGDEKLARA ang pamahalaang lungsod ng liquor ban sa pagdiriwang ng pista ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan sa Maynila upang matiyak na hindi malalabag ang COVID-19 protocols.
Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, kailangang hindi mauwi sa wala ang sakripisyong ginagawa ng mga residente ng lungsod at ng lokal na pamahalaan sa loob ng nakalipas na 10 buwan laban sa coronavirus.
Sa inihaing direktiba ng alkalde sa lahat ng barangay official at mga pulis, iniutos ang istriktong pagpapatupad ng liquor ban at implementasyon ng curfew.
Ang direktiba ay nakapaloob sa Executive Order No. 2, na kumikilala sa pangangailangan ng mas mahigpit na patakaran at reglamento na dapat sundin sa pagdiriwang ng taunang Pista ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan.
Ito ay karaniwang ipinagdiriwang sa pamamagitan ng mga kasayahan tulad ng party at inuman sa kalye.
Inatasan ng alkalde si Barangay Bureau chief Romeo Bagay na gawin ang lahat ng nararapat upang matiyak ang epektibo at mahusay na pagpapatupad ng EO mula Enero 16 hanggang 17, na ipinagbabawal ang pagbebenta ng lahat ng uri ng inuming alkohol at gayundin ang pag-inom sa kalye sa ilalim ng Ordinance 5555, at ang pagpapatupad ng curfew hours sa ilalim ng Manila City Ordinance No. 8692 na ipinasa ng City Council ng Maynila, sa ilalim ng pamumuno ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, bilang presiding officer. (RENE CRISOSTOMO)
