5 PATAY, 2 SUGATAN SA MAGKAKASUNOD NA PAMAMARIL SA LAGUNA

LIMA ang iniulat na nasawi at dalawa ang sugatan sa magkakasunod na kaso ng pamamaril sa apat na lungsod at isang bayan sa Laguna nitong Huwebes at Biyernes.
Batay sa tala ng Laguna PNP, kabilang sa nasawi noong Huwebes ng umaga ang isang AWOL na pulis na si PSSG Christian Ramos na tinambangan ng riding-in-tandem habang sakay rin sa motorsiklo sa Cabuyao.

Nasawi naman ang isang manager ng multinational company na si George Sudario, nang tambangan sa Nuvali sakop rin ng Cabuyao, Huwebes (Enero 14) ng hapon. Patay rin ang isang 77-anyos na lola na si Barbara Buzon na binaril sa loob ng kanyang bahay sa bayan ng Liliw noong gabi ng nasabing petsa at ang negosyanteng si Jaime Cabarloc na tinadtad ng bala sa San Pablo City.
Sugatan naman ang dalawang tricycle driver na pinagbabaril sa Calamba City, Huwebes ng gabi.

Pinagbabaril at napatay naman sa lungsod ng San Pedro ang negosyante ring si Manolito Escudero, 61, habang sakay ito ng kanyang motorsiklo mag-aalas-9:00 ng umaga ng Biyernes.
Walang naaresto ang mga pulis at wala pa ring nakikilala sa sinomang suspek sa naturang mga kaso. (NILOU DEL CARMEN)

211

Related posts

Leave a Comment