LAGUNA – Natagpuang nakagapos at wala nang buhay malapit sa isang tulay sa bayan ng Kalayaan, Laguna noong Lunes ng madaling araw ang dalawang lalaking dinukot ng armadong kalalakihan sa San Pedro City noong Linggo ng gabi.
Positibong kinilala ng kanilang mga kaanak ang natagpuang mga bangkay na sina Jonathan David, 29, at Vins Flores, 20, mga taga bayan ng Lumban ngunit pansamantalang umuupa sa isang apartment sa San Pedro City kung saan sila dinukot noong alas-8:30 ng Linggo ng gabi.
Ang dalawa ay unang napaulat na nawawala sa San Pedro City matapos na ang tinutuluyang bahay ng mga ito sa Southview Homes 1, Barangay Pacita 2, kasama ang kalive-in ni David at isa pang dalaga, ay pasukin ng siyam na nakamaskara at nakasuot ng jacket na mga kalalakihang armado ng mahahabang baril.
Matapos igapos ang apat, nilimas ng mga suspek ang mga gamit at kinuha ang iba’t ibang alahas, 12 pares ng Nike na sapatos, 25 iba’tibang klase ng cellphone, ATM cards at isang laptop.
Saka tinangay ang isang gray na Fortuner na may plate number 2090 at isinakay ang dalawang biktima.
Sa follow-up operation, narekober ng mga awtoridad ang sasakyan na inabandona sa isang lugar sa Biñan City.
Dakong alas-4:00 naman ng madaling araw nang madiskubre ang bangkay ng dalawa na ang isa ay iniwan sa gilid ng highway at ang isa ay itinapon sa ilalim ng tulay.
Base sa impormasyon, ang dalawa ay sangkot umano sa pagbebenta ng ilegal na droga sa kanilang bayan ng Lumban at pansamantalang nagpapalamig sa San Pedro City matapos uminit sa mga awtoridad.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa pangyayari. (NILOU DEL CARMEN)
