” HINDI daw po puwedeng hulihin o ikulong ‘yung nirereklamo namin, kagawad daw ng barangay kaya dito na lang po sa inyo kami nagsampa ng reklamo,” pahayag ng isang 50-anyos na karpintero na binugbog ng magkapatid at ng opisyal ng barangay sa Sta. Ana, Manila, iniulat ng pulisya.
Umaga nitong Huwebes, nagtungo ang biktimang si Bernard Franco Del Carmen, kasama ang asawa’t anak, upang pormal na magsampa ng reklamo laban kay Manolito Diaz, kagawad ng Brgy.781, Zone 85, at sa magkapatid na sina Romar Rubio at si Robert Rubio.
Batay sa ulat ng pulisya na isinumite kay P/Major Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section, noong Enero 1 nang mangyari ang pagbugbog ng mga suspek sa biktima.
Ayon sa salaysay ng biktimang si Del Carmen, patungo siya sa kanyang ginagawang bahay nang madaanan niya ang mga suspek
Nagkatitigan umano sila naging dahilan upang kumuha ng kahoy ang isa sa mga suspek at pinagtulungan siyang bugbugin ng mga ito.
Isinugod sa Sta. Ana Hospital si Del Carmen at nang bumuti ang kalagayan ay nagtungo ito sa MPD-Sta. Ana Police Station 6 para pormal na ireklamo ang mga suspek hinggil sa insidente.
Gayunman, dahil ilang linggo na ang lumipas bago nagreklamo ang biktima ay sinabi ng mga pulis na hindi na nila maaaring arestuhin ang mga suspek.
“Pang case file na kasi ang asunto, hindi na sila puwedeng damputin, hindi lang kami naintindihan ng complainant,” pahayag ng isa sa mga tauhan ni P/Lt. Col. Orlando Mirando, station commander.
Gayunman, pinagharap nitong Huwebes ng umaga sa MPD- GAIS ang nasabing kagawad at ang biktima para sa imbestigasyon sa kaso.
Napag-alaman na may matagal nang alitan ang pamiya Del Carmen at ang magkapatid na Rubio. (RENE CRISOSTOMO)
280
